May ilang fans ni Daniel Padilla ang nagparating ng mensahe sa amin na talagang dumagsa sila sa Pola, Oriental Mindoro para mapanood lang doon ang Kapamilya actor.
Maagang na-promote ang pagdalo niya sa Sabuyan Festival sa Pola, Oriental Mindoro, kasama sina Vhong Navarro, Cesar Montano at Rocksteddy. Kaya napaghandaan ito ng mga fans ni Daniel na nanggaling pa ang iba sa Cavite at Laguna.
Nakausap namin sa programa namin sa DZRH si Pola Mayor Ina Alegre at nagulat nga raw siyang tanghali pa lang ay ang dami nang naghintay doon sa Pola Municipal Grounds. Kaya inistima pa raw nila dahil nakikita raw nilang malayo pa ang kanilang pinanggalingan.
“Parang 11 ng umaga pa lang yata nandun na sila, ang iba 3 ng hapon. Nagulat ako, ganun sila kaano, yung mga fans ni DJ,” pakli ni Mayor Ina.
Napangiti na lang si Mayor Ina nang kinulit ko kung totoong super mahal ang siningil ng kampo ni Daniel para sa talent fee nito.
“Sulit na sulit naman kami kay DJ. Napakabait niya. Wala akong masabi sa kanya. Napaka-accommodating niya,” sabi pa ng Pola Mayor.
Okay lang daw sa kanya kung gumastos sila nang malaki sa ganung event dahil nakakabawi naman daw ang mga taga-Pola.
Nakakatuwa raw dahil sa rami ng mga pumunta sa kanilang taunang festival, na-fully booked ang mga hotel at resort nila roon.
Naging okay daw ang takbo ng negosyo sa kanilang bayan.
“So, alam n’yo malaking tulong…magastos lang para sa akin as punong bayan, kasi ako ang sponsor at may iba pang sponsors, sina Noli de Castro nag-sponsor din, may iba pang nag-sponsor. So, thankful ako sa ganun,” sabi pa ni Mayor Ina.
Hindi naman daw nakaka-offend ang pagmumura ni Daniel.
“Parang nasanay sila. E di ba dati si Pres. Duterte, parang nasanay na ang mga tao. Parang naging love language na yata yan e,” sambit ni Mayor Ina.
“Kanya-kanya kasi kung paano mo siya tatanggapin. Sa iba naman…kumbaga, hindi na natin minsan malaman kung ano yung feelings ng ‘pag nagmumura siya.
“Narinig ko kagabi e. Hindi siya yung masasaktan ka. Hindi nakaka-offend. Parang love language niya siguro yan,” pagtatanggol ni Mayor Ina sa ginawa ni Daniel.
Serye ni Marian, tumaas ang rating
Malapit nang matapos ang My Guardian Alien ni Marian Rivera kaya tumataas ang rating nito.
Nakatapat nito ang Pamilya Sagrado na kasisimula pa lang, pero hindi nito natalo ang serye nina Marian.
Noong Lunes, June 24 ay naka-9.9 percent ito at 6.7 percent ang Pamilya Sagrado.
Natuluy-tuloy nito sa Asawa ng Asawa Ko na 6.9 percent din ang rating nito.