Itinanghal bilang isa sa film industry icons ang ABS-CBN Film Restoration matapos gawaran ng Lifetime Achievement Award sa ginanap na Parangal ng Sining ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) bilang pagkilala sa kontribusyon nito sa pag-restore ng mga natatanging pelikulang Pilipino.
Nagpasalamat ang ABS-CBN Film Restoration head na si Leo Katigbak sa FDCP para sa parangal at sa patuloy nitong suporta sa mga adhikain ng Sagip Pelikula.
“Maraming salamat sa inyong pagpapahalaga sa ginagawa namin. Ito po ay isa sa adbokasiyang hindi kaagad nakikita ang halaga pero sa kinalaunan ay makikita niyo rin, lalo na ng mga susunod na henerasyon, na nabigyan nating importansya ang ating nakalipas at ito rin ay magbibigay importansya sa ating kinabukasan,” saad ni Leo.
Inalay rin niya ang award sa dating ABS-CBN president na si Charo Santos-Concio para sa kanyang kontribusyon sa pagtatag ng Sagip Pelikula, magmula noong sinimulan ang ABS-CBN Film Archives 30 taon na ang nakalilipas.
Malugod ding binati ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee ang kanilang natanggap na parangal.
Aniya, malaki ang kontribusyon ng Sagip Pelikula hindi lang sa pag-restore ng kanyang mga isinulat na pelikula kundi pati na rin sa pagpapahalaga ng kulutrang Pilipino sa pamamagitan ng mga digitally restored na pelikula para masaksihan ng mga susunod na henerasyon.
Sa pamamagitan ng adhikain nitong Sagip Pelikula, layunin ng ABS-CBN Film Restoration na mag-archive, preserve, restore, at remaster ng mga pelikula mula sa mga respetadong filmmaker at manunulat mula sa iba’t ibang panahon na pinagbidahan din ng mga award-winning na aktor, para tangkilikin ng mga manonood ngayon at sa kinalaunan.
Magmula sa pagtatag nito noong 2011, mahigit 200 na titles na ang na-restore ng Sagip Pelikula, kabilang ang marquee titles nitong Himala, Oro, Plata, Mata, Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon?, Kakabakaba Ka Ba?, at Dekada ‘70, pati enhancement ng LVN classics tulad ng Giliw Ko, Ibong Adarna, at Biyaya Ng Lupa.
Ipiniresenta nina FDCP chairman at CEO Jose Javier Reyes at National Artist na si Ricky Lee ang parangal kina Sagip Pelikula head Leo Katigbak at dating ABS-CBN president Charo Santos-Concio nitong Biyernes (Abril 19).
Sa ikalawa nitong edisyon, layon ng Parangal ng Sining event na kilalanin ang mga natatanging indibidwal at organisasyon sa kanilang mga naging kontribusyon sa industriya ng Philippine cinema.