MANILA, Philippines — Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang online street food sensation, negosyante at "FPJ’s Batang Quiapo" cast member na si "Diwata" dahil sa kasong slight physical injuries.
Nakabase ang paghuli kay Diwata (Deo Balbuena sa tunay na buhay) nitong Lunes sa bisa ng isang warrant of arrest na nilagdaan ni Presiding Judge Allan Ariola noon pang Oktubre 2018.
Agad namang ginawaran ng pansamantalang kalayaan si Diwata matapos maghain ng P3,000 piyansa.
"Noong umaga po na 'yon, noong hinuli siya, ay inayos din po ang kanyang piyansa po," wika ni Pasay PNP Spokesperson PCapt. Mark Jun Anaviso sa panayam ng ABS-CBN News ngayong Huwebes.
"May mga tumulong din sa kanya, 'yung mga staff niya, para kumuha ng mga requirements. Kaya noong hapon ding 'yon ay nakapagpiyansa na siya at nakauwi na sa kanyang tahanan."
Inaresto ng mga awtoridad ang street food vendor na si Deo Balbuena o mas kilala bilang "Diwata" dahil sa kasong slight physical injuries ngayong Huwebes, April 18.
Agad naman siyang nakapagpiyansa ng P3,000, ayon sa mga awtoridad. #News5
????: Pasay Police pic.twitter.com/D4KxhYBPc8— News5 (@News5PH) April 18, 2024
Kilala para sa trending niyang kainang "Diwata Pares Overload," bagay na pinipilahan nang pagkarami-rami sa Lungsod ng Pasay dahil sa unlimited sabaw, kanin, inumin at soft drink sa halagang P100.
Taong 2016 nang maging viral sa balita si Diwata matapos maging biktima ng pambubugbog at pananaksak matapos diumano manita ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Nakuha pa kasi niyang rumampa sa istasyon ng pulis matapos ang insidente.
Ilang araw lang nang ibalita ng Dreamscape na magiging bahagi ng "FPJ’s Batang Quiapo" si Diwata bilang si "Frida." Mapanonood ang palabas tuwing 8 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, TV5, iWantTFC at TFC.
— may mga ulat mula sa News5 at ONE PH