MANILA, Philippines — Tinanggap ng kontrobersyal na pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name Inc. na si pastor Apollo Quiboloy ang hamon ng komedyanteng si Vice Ganda na tuluyang pigilin ang masikip na daloy ng trapiko ng EDSA't isang Kapamilya serye matapos sabihing may kakayahan siyang magpahinto ng lindol.
"The challenge is accepted," sabi niya sa kanyang palatuntunang "Spotlight" nitong Huwebes ng gabi.
Si Quiboloy, na hinirang ang sarili bilang "Appointed Son of God," ay kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at inihahalintulad ng ilan sa lider ng kulto.
Ika-5 ng Nobyembre nang inilatag ni Vice ang hamon, matapos sabihin ni Quiboloy na siya ang responsable sa pagpapahinto ng mga nangyaring lindol sa Mindanao kamakailan.
"Hinahamon kita, Quiboloy. Ipahinto mo na 'Ang Probinsyano.' Napahinto mo pala ang lindol eh. Napakayabang n’yo pala eh," sabi ng tanyag na noontime show host.
"Sabi niya raw, stop. Sige nga, punta ka ng gitna ng EDSA, stop mo ‘yung traffic doon."
Sa haba na nang itinakbo ng "Ang Probinsyano," na pinagbibidahan ni Coco Martin, marami na ang nagbiro na hindi na yata ito matatapos pa.
Pero hindi naman siya inatrasan ng pastor.
Isang netizen ang nagtanong sa kanya patungkol dito, na kanya namang diretsahang sinagot: "Kailan mo ba gustong mapa-stop ang 'Ang Probinsyano'?"
"Isang buwan? Dalawang buwan? Tatlong buwan? Apat na buwan? Ikaw, pili ka."
Pero hindi siya nagpasapat sa teleserye ni "Cardo": "Baka sa apat na buwan, hindi lang yung 'Probinsyano' ang mai-stop, baka pati yung network mo stop na ‘yan."
Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng istasyong ABS-CBN sa darating na Marso 2020, na magtatapos sa loob ng apat na buwan.
Agosto taong 2018 nang una nang sinabi ni Duterte na hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng Kapamilya Network kung siya ang masusunod.
Sa ngayon, nakabinbin pa rin sa Kamara't Senado ang mga panukalang batas na muling maggagawad ng 25-year franchise sa channel.
'EDSA traffic nakahinto na'
Samantala, binweltahan naman niya si Vice sa isa niya pang hamon, na matagal na raw natupad.
"Sinabi mo na pahintuin ko ang traffic sa EDSA, paano ko pahihintuin, nahinto na!" kanyang bulalas.
Sana raw ay hiniling na lang ng aktor na pabilisin ang trapiko kaysa patigilin ito.
"Naging parking lot na nga ang EDSA, e, nakahinto na," wika pa niya.
"Hindi siguro yun ang right word na sinabi mo. Pabilisin."
Si Quiboloy ay dati nang naditene sa Hawaii dahil sa daan-daang libong dolyar na nakita sa sinakyang pribadong plane.
Aabot sa $350,000 ang nasamsam sa kanila ng U.S. Customs and Boarder agents, bagay na hindi nila idineklara sa gobyerno ng Amerika.
Ilan pa sa nakita sa kanila ang mga military-style rifles at mga parte ng armas.
Inakusahan na rin noon si Quiboloy ng Hawaii court na nagpagpapatakbo ng isang "child sex ring."