Sikat na personalidad sinusumpa ng pangta-traydor sa emosyon

Puro mapapaklang komento ang ipinakakain ngayon sa isang pamosong female personality ng mismong mga tagahanga niya. Pinasukan ng kawalan ng utang na loob at pangtatraydor pa nga ang kanilang emosyon.

Sila raw ang dahilan kung bakit natupad ang pangarap ng babaeng personalidad na sumikat, mas nadagdagan daw ang naiipon niyang pera dahil sa kanyang mga tagasubaybay, pero ano ang ginawa sa kanila?

Kuwento ng aming source, “Iyakan sila nang iyakan! Sana raw, e, pinatay na lang sila ng idolo nila para isahan na lang ang sakit na naramdaman nila!

“Tinatawag siyang walang utang na loob, nagkakandagutom daw sila para sa pagsuporta sa idol nila, wala naman silang hinihinging kapalit, pero ang napala nila?

“Hindi makakain ng kahit asong gutom ang mga salitang ibinabato sa kanya ngayon. Kung nakamamatay lang ang mga salitang nanunugat, e, baka pinagbuburulan na ngayon ang girl,” simulang kuwento ng aming impormante.

At kung galit sila sa babae ay triple nu’n ang galit nila sa aktor na piniling makarelasyon ng kanilang idolo. Ipinaglihi raw sa manggang hinog ang male personality.

Kuwento uli ng aming source, “Kanila raw ang huling halakhak kapag hindi nagtagal ang relasyon nila nu’ng male personality. Hala­tang-halata raw naman kasing gagamitin lang niya ang girl.

“Trophy girlfriend lang kuno niya ang babaeng karelasyon niya ngayon. Hindi raw naman kasi pambida ang lalaki, hanggang pagiging kontrabida na lang, kaya umaasa raw ang guy na baka maging bida siya kapag gumawa na sila ng pelikula ng female personality.

“At ang nakakaloka pa, e, idinadamay nila sa issue pati ang mommy ng guy! Tuwang-tuwa raw ang nanay niya dahil ang girlfriend niya, e, sikat! Hindi raw magkandaugaga ‘yung nanay ng male personality sa pag-aasikaso sa girl kapag nagpupunta sa bahay nila!

“Di ba? Parang nandu’n sila kapag isinasama ng guy ang girlfriend niya sa bahay nila. Parang nakikita nila ang mga nangyayari, parang witness talaga sila!

“Nakakaawa naman ang mga faney na ‘yun na pati kasi ang personal na buhay ng idolo nila, e, sinasaklawan nila! E, kung sa ayaw nu’ng girl sa inirereto nila, ano ang magagawa nila!” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Lito hataw sa survey

Milagro talaga ang nagawa ng FPJ’s Ang Pro­binsyano sa buhay-pulitika ni dating Senador Lito Lapid. Nang dahil sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin ay biglang lumundag sa number two ang rating ng aktor-pulitiko sa pinakahuling survey.

Paano nga kaya kung ang mismong Ricardo Dalisay ng serye ang kumandidato? Nakalagay sa poster ni dating Senador Lito Lapit—“Pinuno ng Ang Probinsyano.”

Tumatak talaga sa mga kababayan natin ang papel na ginampanan ni dating Senador Lito Lapid sa matagumpay na serye. May malasakit kasi sa bayan ang kanyang role. Hindi siya maramot. Puro para sa bayan ang kanyang hangarin.

Grabe ang rumehistrong numero ng aktor-pulitiko, kahit ang mga news repor­ters ay walang maisagot kung bakit at paano naging ganu’n kataas ang rating ng Pinuno ng Ang Probinsyano, si Coco Martin lang ang alam nilang maisasagot kung bakit.

Ang nanguna sa survery ay si Senador Grace Poe. Anak ni Lola Flora (Susan Roces) sa serye. May kinalaman pa rin sa Ang Probinsyano ang napakataas na numero ni Senadora Grace.

Tingnan natin kung gagawa rin ng hima­la ang partisipasyon sa serye nina Edu Manzano, Jhong Hilario at Mark Lapid sa darating na eleksiyon.

‘Paborito’ ng mga artista na si Marie Balbecui, tatlong araw nang patay!

Pumanaw na si Marie Balbecui. Hindi siya artista pero malapit siya sa mga personalidad. Mahal siya ni Tito Dolphy, malapit din siya sa pamilya Estrada, ganu’n din sa pamilya ni Mr. Rod Ongpauco.

Wala nang pamilya si Marie. Inampon siya ng isang pamilya pero hiwalay ang kanyang tirahan. Tatlong araw na pala siyang patay nang makita siya sa kanyang tinitirhan dahil nangangamoy na ang kanyang bangkay.

Madalas namin siyang makita nu’n sa PNP Custodial Center, regular siyang dumadalaw kina dating Senador Jinggoy Estrada at da­ting Senador Bong Revilla, mahal din siya ni Precy Ejercito na nagbibigay ng pambili niya ng mga gamot.

Mami-miss namin ang mga paninda niyang tinapa, itlog na pula at malalaking kamatis.

Rest in peace, Marie Balbecui.

Show comments