Sexy actress consistent sa pag-iimbento ng kuwento para mahawakan sa leeg ang mga dyowa

Kapag pinagpipistahan ang mga may pagkalukring na personalidad ay hindi mawawala sa listahan ang isang sexy actress na may dugong-banyaga. Kakaiba pala ang sumpong ng babaeng ito.

Marami na siyang nakarelasyon aktor, madali siyang magsawa, konting panahon pa lang ay gusto na niyang makawala sa kanilang relasyon.

May naging boyfriend siyang hunk actor, may bagets actor, may direktor at iba pang non-showbiz guys. Iisa lang ang sinasabi ng kanyang mga ex, ibang klase ang kanyang tantrums, hindi kakayaning i-handle ‘yun ng isang lalaking may makitid na pasensiya.

“Ay, si kuwan ba? Nakow, nakakaloka ang babaeng ‘yun, maraming ilusyon at halusinasyon, mahawakan lang niya ang guy sa buong magdamag! Magimik ang babaeng ‘yun, sobra!

“Natural, artista ang boyfriend niya, may work pa kinabukasan, kaya pagkatapos nilang lumipad sa kaligayahan ng lalaki, uuwi na siyempre siya, di ba?

“Ay, hindi niya pauuwiin ang lalaki, kailangang sa condo niya ‘yun matulog, kesehodang napakaaga ng calltime ng guy kinabukasan para sa taping niya.

“Bigla siyang iiyak, ikukuwento niya na nu’ng mga nakaraang gabi raw, e, parang may nagbubukas ng pintuan ng unit niya. Meron daw kumakaluskos, natatakot daw siya, kaya kailangang samahan siya ng boyfriend niya.

“Sa awa ng lalaki, du’n na nga lang siya matutulog, nadala siya sa kadramahan ng hitad na babaeng maraming kuwentong kababalaghan sa buhay. Panalo ang girl, na-late naman sa taping ang BF niyang hunk actor!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Nu’ng maging sila naman ng isang direktor ay ganu’n din ang drama ni Ate Girl, inaabala niya ito sa trabaho, meron daw siyang nakitang lalaki na paikut-ikot sa unit niya.

“To the rescue naman si direk, pero wala naman palang ganu’ng scenario. Gusto lang ng girl na lumipad sila sa kaligayahan. Palagi siyang ganu’n, kahit sa ibang lalaking nakarelasyon niya, e, ganu’n ang drama niya.

“Hiwalay na rin sila ng non-showbiz guy, hindi na rin siguro kinaya nu’ng lalaki ang kalukringan niya? Sayang, ang ganda pa naman niya, nakakaaliw rin ang personality niya, pero lukring ang lokah!

“Marami siyang drama at ilusyon, may mga halusinasyon din siya, ganu’n ba talaga sila sa ____(ang bansang pinanggalingan ng female personality)?” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Maka-Alden botong-boto kay Jasmine!

Parang nakikinita na namin ngayon pa lang ang mga salitang pagtitiisang lunukin ni Jasmine Curtis Smith kapag natuloy ang pagtatambal nila ni Alden Richards.

Dalawang taong kontrata ang pinirmahan ng young sister ni Anne sa GMA 7, kontratadong artista rin ng Artists Center ng network si Alden, kaya hindi malayong sila ang magkatambal sa proyektong pinaplano ng istasyon.

Ngayon pa lang ay umaalagwa na ang dila ng ibang AlDub fanatics, pinipintas-pintasan na si Jasmine, bakit daw isang starlet lang ang kailangang itambal sa Pambansang Bae samantalang nand’yan naman si Maine Mendoza?

Masasaya naman ang mga loyalista ni Alden, okey para sa kanila si Jasmine, kaya hati na naman ang AlDub Nation sa kanilang mga opinyon ngayon.

Ingat sila kay Jasmine, hindi basta nauupo lang sa isang sulok ang dalaga, sumasagot siya sa marespetong paraan dahil matalino siya.

Saka bakit kailangang pangunahan ang network, kung sinu-sino sa kanilang palagay ang puwedeng pagtambalin ay labas na du’n ang mga nagmamarunong, magtayo na lang sila ng produksiyon para igawa ng pelikula ang kanilang mga idolo.

Magaan katrabaho si Jasmine Curtis, napakapropesyonal niya, kinakaya niya ang pagtatrabaho nang dalawang linggo dito at saka lilipad pauwi sa Australia para tutukan ang kanyang pag-aaral.

At please, hindi siya starlet, may tinanggap na bang parangal sa husay sa pag-arte ang babaeng ipinagpipilitan nila kay Alden Richards?

Show comments