Korina naging kamukha na nina Liz Uy at Jona?!

Jona, Korina at Liz uy

Pinagpipiyestahan ang bagong hitsura ngayon ni Ms. Korina Sanchez-Roxas matapos magpapayat, magpa-tan, at magpa-thermage sa Belo Clinic.

Kung sinu-sino ang ikinukumpara sa kanyang bagong mukha.

Pumayat kasi talaga ang broadcast journa­list at ibang-iba ang aura ngayon kesa nung aktibo pa sa TV.

Ang ganda ng arms at iba ang kurba ng katawan. At ang mukha, ang laki nang iniliit.

Kesyo kamukha na raw niya si Liz Uy na nananatiling tahimik sa umano’y panganganak at ang iba naman ay nagsasabing ang singer na si Jona ang ka-look alike nito ngayon.

Kung sino man ang kamukha ni Ms. Koring ang importante, maganda ang pakiramdam niya at masaya siya.

Kung may ipinagawa man siya, labas na tayo dun. Pera niya naman ang ginamit niya.

Kaya lang negative ang reaction ng karamihan sa Insta­gram followers ni Nay Lolit Solis nang mag-joke ang PSN and PM columnist, former TV host at certified social media influencer na baka paghahanda ang nasabing pagpapaganda ni Ms. Koring sa kanyang pagsabak sa pagse-senador.

Naku maraming nagwala at kontrang-kontra. Masasakit na salita ang ipinaabot nila kay Mrs. Mar Roxas na parang ang laki ng kasalanan ni Ms. Koring sa kanila.

Dalawang graded a ng CEB, may salpukan sa mga sinehan

Head on ngayon ang dalawang pelikulang Pinoy na parehong Graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB) Mama’s Girl and Ang Dalawang Mrs. Reyes.

Ang Mama’s Girl starring Sylvia Sanchez, Sofia Andres, Diego Loyzaga, Jameson Blake and Arlene Muhlach ay nakaka-touch na kuwento ng kahalagahan ng relasyon ng mag-ina. Light drama at marami kang matutunan sa pagpapalaki sa isang anak at pagmamahal sa ina pero sa magaang approach. Naibigay ni Sylvia ang kailangang emosyon sa kanyang role bilang napakabuting ina sa anak na si Sofia. At sa totoo lang, hindi nagpaiwan ang batang aktres maging si Diego na gumanap na kaibigan at sa kalaunan ay naging BF ni Sofia sa movie. Pero marami silang pagdadaanang pangyayari bago naayos ang lahat.

Idinirek ito ni Connie Macatuno for Regal Films.

Ang Ang Dalawang Mrs. Reyes ay nakakaaliw na k­uwento ng dalawang misis na nagtagpo ang landas nang madiskubre nilang may relasyon ang kani-kanilang mga mister. Grabe ang sinuong nilang laban para maramdaman ng kanilang mga dating asawa ang sakit sa ginawa nilang panloloko.

Walang duda ang kagali­ngan nina Judy Ann Santos at Ange­lica Panganiban with JC de Vera and Joross Gamboa at maging sina Nico Antonio at Andrea Brillantes na may mahalagang papel sa idinirek na pelikula ni Jun Lana for Star Cinema, IdeaFirst, and Quantum Films.

Masigla ang pasok ng taon sa movie industry. Madaling naabot ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang isang bilyon na target at lumampas pa.

At ngayon ngang January, dalawang magagandang pelikula agad ang buena mano.

Tutuy-tuloy din ang mga indie film festival – Cine Filipino, Cinema One, Pista ng Pelikulang Pilipino, Cinemalaya, To Farm at Sinag Maynila.

At ang mga proyekto ng Film Deve­lopment Council of the Philippines (FDCP) headed by Chair and CEO Liza Diño na Cine Lokal ay tuluy-tuloy. Dito ay naipalalabas ang mga pelikulang Tagalog na hindi commercially viable kaya nagkakaroon sila ng puwang sa mga manonood.

Marami pang mga nakalinyang proyekto ang FDCP for 2018 para magtuluy-tuloy ang muling pagsigla ng ating industriya.

Pitaka official entry sa Cefalu Filmfest sa Italy

Congrats to Direk Chris Cahilig. For competition ang debut short film niyang Pitaka sa 2018 edition ng Cefalù Film Festival in Italy.

Mahusay ha. Paano na lang ‘yung mga susunod niyang proyekto.

Mga bida sa nasabing short film sina Art Artienda and Karl Medina.

          

Show comments