Ogie excited sa pag-arte ni Leila!

Hindi lang pala sa pagkanta sasabak ang anak ni Ogie Alcasid na si Leila Alcasid, sasabak din ito sa pag-aartista. Kaya naman panay-panay ang pag-aaral nito ng Tagalog at pagkuha ng mga acting workshop.

Sinisiguro nila ni Ogie na hindi sila mapapahiya kapag nakakuha ito ng assignments sa pag-arte. Hindi lamang naman si Ogie ang gumagabay kay Leila, kasama rin ang kanyang stepmom na si Regine Velasquez. Time out lang muna ito ngayon dahil naghahanda ito sa kanyang dalawang gabing concert sa MOA Arena na R.3.0 sa October 21 at 22. Na-inspire naman si Ogie sa kanyang mga naririnig sa mga workshops ng anak. Naniniwala siya na may magandang kapupuntahan ang kanyang anak sa desisyon nito na mag-pursue ng showbiz career dito sa bansa.

Morissette walang oras kay Marlo

Wala pang ligawan na nagaganap sa pagitan nina Marlo Mortel at Morissette Amon. Kabaligtaran ito ng kumakalat na balitang sila nang dalawa na tinututulan ng marami dahil ginagamit lamang daw ng aktor ang kasikatan ng singer para sa sariling kapa­kanan. Syempre, itinanggi ito ng aktor. At ganito rin naman ang humigit kumulang na pahayag ng mabilis na sumisikat na singer. Pinatotohanan nito ang sinabi ng aktor na hindi pa umaayon ang panahon para mapalawig nila ang kanilang pagkakaibigan na siyang tanging nagbubuklod sa kanila.

Marami silang mga priorities, si Marlo ay ang mapagaling ang kanyang ina na may sakit na cancer at si Morissette para mapangatawanan ang mara­ming demands ng kanyang trabaho.

Malaking bagay ‘yung makasama ni Morisette ang isang sikat na international celebrity/singer na si Michael Bolton sa reality program nito at magiging bahagi rin ng konsyerto na gagawin nito sa bansa sa susunod na buwan. Hindi na sila nagkikita ng kanyang pamilya sa sobra niyang busy. Kinailangan nilang lumuwas ng Maynila at dito na manirahan para lang sila magkasama-sama. Gustuhin man niya, hindi niya magawang tumanggap ng manliligaw o makipag­ligawan kay Marlo. Pero, kaya niyang pangatawanan ang pagiging magkaibigan muna nila.

“Marlo and I are just friends. Hindi ito ang time to get into a serious relationship na hindi namin mapapangatawanan,” pagka-klaro niya.

Kasama si Morisette sa gagawing fundraising concert ni Marlo para sa pagpapagamot ng ina nito sa October 13 sa Elements ng Centris Stations.   

Mariel dapat tularan si Bela

Sari-sari palang reaksyon ang idinulot ng naging pahayag ni Joey de Leon tungkol sa depresyon. Bagaman at marami ang nagtanggol sa kanya, mas nakakarami ang kumondena. Pinakagusto ko ‘yung nagmula kay Bela Padilla na nagsabing intindihin na lamang ang TV host at huwag sumpain at sa halip ay tratuhin siya with kindness. Napakalupit nung mga salitang binitawan ni Mariel de Leon na nagpapasalamat na magka-apelyido lamang sila ng TV host at hindi magkamag-anak dahil sa mga pinagsasabi nito. Bago pa mas lumala ang sitwasyon, humingi na ng paumanhin sa lahat ng nasaktan niya ang isa sa host ng Eat Bulaga.

Show comments