Banned ng isang taon sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang mga producer at direktor ng ORO dahil sa pagpatay nila sa isang aso na ginamit sa eksena ng pelikula na na-pull out sa mga sinehan.
Para sa haters ng ORO, maigsi ang isang taon na parusa dahil napakabilis ng panahon kung ikukumpara sa pagmamalupit ng producer at direktor sa kawawang aso. Gusto nila na forever na ma-ban sa pagsali sa MMFF ang mga producer at direktor na nag-deny na may aso na nagbuwis ng buhay sa ORO.
Hindi pa tapos ang kalbaryo ng mga nasa likod ng ORO dahil inihahanda na ng Philippine Animal Welfare Society ang criminal case na isasampa dahil sa paglabag nila sa Republic Act 8485, ang the Animal Welfare Act.
Sikat na plus-size model, backstage host ng Miss U
Nakatanggap na ng imbitasyon para sa Governor’s Ball ng 65th Miss Universe ang isang BFF ko.
Sa January 16 ang Governor’s Ball kaya nagpagawa na ng gown na gagamitin ang aking BFF na close kay Papa Chavit Singson, ang may kagagawan kaya magaganap sa Pilipinas ang grand coronation ng Miss Universe dahil isang Pilipina, si Pia Wurtzbach ang nanalo noong 2015.
Si Steve Harvey ang host ng 65th Miss Universe at may report na ang American model na si Ashley Graham ang backstage host.
The who si Ashley? Don’t ask me dahil hindi ko rin siya kilala, maliban sa pralala na sikat siya na plus-size model. Ang sabi ng fans ni Graham, siya ang kauna-unahan na plus-size model na naging cover girl ng Sports Illustrated Swimsuit issue noong nakaraang taon.
Alfred balik-akting na uli
Balik-acting si Quezon City District V House Representative Alfred Vargas dahil kahapon ang unang araw ng shooting niya para sa Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa, ang pelikula na finalist sa Cinemalaya 2017.
Inspired ng mga tunay na pangyayari sa Mindanao ang kuwento ng Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa at sa title pa lang, obvious na si Alfred ang gumaganap bilang teacher na hindi marunong magbasa.
Hindi nagdalawang-isip si Alfred na gawin ang project nang mabasa niya ang script ng pelikula na tungkol sa mga child warrior sa Mindanao.
Nagpatawag si Alfred ng presscon noong last quarter ng 2016 para sa formal announcement ng muling paggawa niya ng pelikula at ito nga ang Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa.
Si Perry Escano ang sumulat ng kuwento at direktor ng Cinemalaya movie ni Alfred. Bumiyahe kahapon ang cast at production staff ng Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa sa isang bayan ng Rizal dahil dito kinunan ang mga unang eksena ng pelikula.
Hindi lamang ang shooting ng Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa ang pagkakaabalahan ni Alfred ngayong January.
May tinanggap din siya na television assignment pero hindi pa puwedeng sabihin ang pamagat.
Inayos na mabuti ni Alfred ang kanyang schedule para hindi magkaroon ng conflict sa mga responsibilidad niya bilang congressman ang taping ng television project at ang shooting ng kanyang pelikula na kasali sa Cinemalaya 2017.
Hindi ako magugulat kung manibago si Alfred sa pagharap sa kamera dahil 2015 ang huling paglabas niya sa TV.