Female personality hindi pinatulan ng kapamilyang sinira-siraan

Masuwerte pa rin ang isang female personality dahil mga edukadong tao ang binangga niya nu’n. Walang nag-akala na kaya niyang ilaglag ang mismong pamilya niya pero walang patumangga niyang nagawa ‘yun.

Buong-ningning niyang kinontra ang aksiyon ng mga taong malapit sa kanyang puso, siya ang unang-unang nagtungayaw, walang makapaniwala sa naging desisyon niya.

Malaki ang naging epekto nu’n sa kanilang relasyon. Napalayo ang loob sa kanya ng mga taong dati niyang tinatakbuhan kapag nalalagay siya sa alanganin.

Magsising-alipin man siya ngayon ay huli na ang lahat, nagawa na niyang ipahiya ang kanyang sariling pamilya sa publiko, hindi na puwedeng ibalik ang nakaraan nilang magandang relasyon.

Kuwento ng aming source, “Nu’ng magsabog ng kabutihan ang langit, e, sinuwerteng makasalo ang taong sinaktan niya nang sobra-sobra, kaya napakalawak ng kanyang pasensiya. Very civil siya sa mga taong nananakit sa family niya.

“Kapag nagkikita sila, cool na cool lang si ____(pangalan ng isang nirerespetong female personality), parang walang nangyari. Pero hindi guarantee ‘yun na kinalimutan na niya ang sama ng loob na ibinigay ng family member nila!

“Edukada lang talaga siya, may mahabang pasensiya, kaya kinakaya niyang harapin ang taong gusto na niyang itakwil nu’n dahil sa ginawa sa kanila.

“Hindi simple ‘yun, ha? Okey lang sana kung hindi nila kapamilya ang nanakit-nanira sa kanila, pero siya pa? Siya pa mismo, na halos lumaki na sa laylayan ng mga kamag-anak niya?

“Napakasuwerte pa rin niya, dahil kung iba lang ang natapatan niya, e, siguradong tapos na ang lahat sa kanya. Wala na siyang maiiyakang balikat, wala na siyang mapagsusumbungan, walang-wala na!

“Ang babae talagang ‘yun, mahirap siyang ispilengin, matindi ang tantrums, hindi nag-iisip! At wala siyang utang na loob!” madiing kuwento ng aming source.

Ubos!

Wawa, fans nagpabaya na naman pelikula ni Nora sa MMFF ‘di naka-isang milyon?!

Medyo gumanda naman ang galaw sa takilya ng apat na pelikulang napag-iiwanan sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Nagdesisyon kasi ang pamunuan ng pestibal na magbigay nang 30% discount sa mga senior citizens, PWD at mga estudyante.

Isang magandang desisyon ang kanilang napagkaisahan para hindi naman masyadong magmukhang kaawa-awa sa takilya ang apat na pelikulang nasa ibaba.

Isa sa apat na pelikula ang Kabisera ni Nora Aunor. Ikalawa sa pinakamahina ang kanyang pelikula, kung wala ang Sunday Beauty Queen ay siguradong may bago na namang titulong ibibigay sa kanya ang mga bashers, Kulelat Queen.

Malaki ang naging epekto ng kawalan ng grade ng pelikula ng Superstar mula sa Cinema Evaluation Board (CEB). Ang tumatak sa isip ng manonood ay hindi maganda ang pelikula, walang kredito para i-grade ng CEB, kaya naging malagihay ‘yun sa takilya.

Sinisisi sa social media ang mga tagahanga ni Nora na nangakong hindi nila pababayaan ang kanilang idolo sa MMFF. Hindi naglabasan sa kanilang mga bahay ang Noranians, dahil kung ginawa nila ‘yun, dapat sana’y hindi nakapagmarka lang nang 450 thousand ang proyekto ni Nora Aunor nu’ng Pasko sa unang araw ng pagpapalabas nito.

Naniniwala kaming nand’yan pa rin naman ang mga loyalista ng Superstar, gumagalaw naman sila at sumusuporta sa kanilang idolo, kaya lang ay hindi sapat ang kanilang bilang para isalba sa pagkalunod ang Superstar sa labanang ito.

Hindi na kasi tinatangkilik ng publiko ang mga ginagawang pelikula ni Nora, ‘yun pa naman ang pinakamahalaga, kahit magtamad-tamaran at hanggang sa salita lang ang kanyang mga tagahanga ay hindi papailalim ang kanyang pelikula.

Show comments