Nahawa na sa kaibigan female personality wagas ang kayabangan, puro pera ang ibinibida!

Madalas ding walang garter ang dila ng isang female personality kaya siya nalalagay sa alanganin. Minantikaan din ang kanyang nguso, nakuha na raw niya ang ugali ng itinuturo niyang kaibigang sanggang-dikit ngayon, kaya siya nagkakaganyan.

Wala sa lugar ang kanyang pagpapatawa na palagi niyang palusot kapag may mga dating kaibigang naiinis sa kanya. Hindi naman siya komedyana, pero palaging wala sa hulog ang kanyang mga biro, tuloy ay maraming nagsasabing ang yabang-yabang na niya.

Nu’ng minsang tawagan-kumustahin siya ng isang beking kaibigan ay ito ang kanyang isinagot, “Heto… Pagod na pagod! Nangangawit na ako sa kabibilang ng pera!”

Nainis ang beki, kinakausap nga naman nito nang seryoso ang babaeng personalidad, pero sarkastiko ang kanyang sagot.

Nu’ng minsan namang may nagsulat ng hindi kagandahan tungkol sa kanya ay ito ang kanyang isinagot sa nagbalita sa kanya, “Naku, okey lang ‘yun! Pera lang ang katapat nu’n!”

Naloka ang beki, bakit palaging pera ang nasa utak ng female personality, du’n na lang ba talaga umiikot ang mundo niya ngayon? Puro pera-pera na lang?

Hirit tuloy ng isang source, “Naku, ‘no! Bago siya magyabang, e, kumustahin niya muna ang mga dati niyang kaibigan na kahit hatinggabi, e, kinakaladkad niya para lang makapangutang siya ng pambayad sa naputol niyang kuryente!

“Kapag ginawa niya ‘yun, kapag inalala na niya ang mga taong inabala niya nu’ng walang-wala pa sila, e, sige, may passport na siyang magyabang!

“Magtigil nga siya! Ni wala ngang kasiguruhan ang mina ng ginto na pinaghuhukayan niya ng kayabangan niya, ‘no! Baka bukas-makalawa lang, waley na naman sila!” madiing komento ng isang nakakakilala sa tunay na pagkatao ng female personality.

Ubos!

Sheryl wala pang karapatang humalakhak, laban ni Sen. Grace umpisa pa lang

Tinatanong kami ng mga kaibigan namin kung tumigil na ba sa kapapatutsada si Sheryl Cruz kay Senadora Grace Poe. Sabi nami’y nangingilin naman siguro si Sheryl, malapit na kasi ang Pasko, baka ipahinga naman muna niya ang kanyang bibig.

Sa mga nagaganap na paghamon ngayon sa buhay ng senadora na kundi naman nagdesisyong tumakbo sa panguluhan ay hindi magkakaganito ang buhay ay palihim daw sigurong napapangiti si Sheryl.

Ito raw kasi ang gusto ng singer-actress, ang mahirapan sa kanyang kandidatura ang itinuring nang tunay na anak ng kanyang Tita Susan Roces, ang hindi matupad ang hangarin nitong makapagserbisyo pa nang mas malawak sa ating mga kababayan.

Wala pang karapatang humalakhak ngayon si Sheryl, malayo pa ang itatakbo ng laban ni Senadora Grace Poe tungkol sa mga butas na sinisilip kontra sa kanya ng mga kalaban, kumbaga sa basketball ay bilog ang bola at wala pang makaaangkin ng kasiguruhan ngayon.

Dumaan din sa ganyang senaryo ang kanyang amang si Fernando Poe, Jr., nakarating sa Supreme Court ang apila, at hanggang sa mga panahong ito ay naniniwala ang sambayanang Pilipino na nanalo ito sa pagkapangulo pero inagaw nga lang sa kanya ang trono sa Palasyo.

Sa totoong-totoo lang. Kaya wala pang makahahalakhak nang todo sa ngayon. Hintay-hintay lang muna kapag may time.

Show comments