Kayamanan ni Coco ibinandera uli ni Kris

Ni-replay sa Kris TV kahapon ang pamamasyal ni Kris Aquino sa buong kabahayan ni Coco Martin.

Hindi ko ito napanood nung unang ipalabas.

It was so generous of Coco na ibahagi sa mga ma­nonood ang kanyang napakarangyang tahanan na ma­tatagpuan sa isang maganda at pribadong subdivision sa Quezon City.

Batid ni Kris na magbibigay ito ng inspirasyon sa napakarami niyang manonood para makamit ang mga nagawa  ng isa sa pinakamagaling at hinahangaang ar­tista na tulad ni  Coco na nagsimula sa wala at nga­yon ay isa nang maituturing na pinakamatagumpay na bituin sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Maski nga si Kris ay naimpress sa ganda ng bahay na nagmula sa pawis, dugo at sipag ng isang artista na talagang pinuntirya ang tinatamasa niyang magandang buhay.

Luck was on his side, kulang na lamang ay deter­minasyon para maabot niya ang kinalalagyan niya ngayon. Kung nagawa niyang mapabilib ang isang dati nang may kaya na tulad ni Kris sa ma­ganda niyang nagawa, ‘yung ibang nanga­ngarap pa lamang kaya ay hindi?

Hindi lamang magara ang bahay ni Coco na personal na pinangasiwaan niya ang pagpapatayo, walang iba pa ang hindi magagandahan at mababanguhan sa kanyang bahay na sabi nga ni Kris ay hindi na niya iiwan kung sa kanya ‘yun para lang lumabas dahil ang kagandahan nito at pagiging kumportable na sanctuary ay sapat na para siya ay maging maligaya at ligtas. May ilang bahagi ng bahay ni Coco na sabi ni Kris ay gagayahin niya sa ipinatatayo niyang bahay. Tulad ng napakataas na mga kisame nito, ang kabanguhan ng paligid na ibinibigay ng oil o ionizer na inilalagay ng nakatira sa paligid nito. Kulang na lamang ay isang reyna na makapagpapaligaya sa may ari ng bahay at kumpletong-kumpleto na talaga itong magiging isang kaharian.

Maria Ozawa may TF pa rin sa nalusaw na movie nila ni Robin

Masisisi ba natin ang Japanese porno star na si Maria Ozawa na panghina­yangan ang hindi pagkakatuloy ng movie nila ni Robin Padilla para sa MMFF. Kung nagkapirmahan nga sila ng kontrata ay babayaran at babayaran si Maria ng prodyuser hindi man matuloy ang movie. Napaghandaan na niya ito at naghihintay na lamang na simulan nila ang proyekto.

Unang araw ng The Love Affair, pumalo sa P15M

Hindi naman nakapagtataka na kumita ng P15M sa unang araw ng pagpa­palabas ang movie na nagtatampok kina Richard Gomez, Dawn Zu­lue­ta at Bea Alonzo na The Love Affair. Sa trailer pa lamang ay marami na ang nagandahan, lalo na sa confrontation scene nina Dawn at Bea.

Marami na ang ganitong kuwento sa ating lipunan pero, ang hindi normal na pangyayari ay ‘yung pagkompronta ng isang babae na siyang unang nagtaksil sa kanyang asawa. Madalas kasi ang la­laki ang nagtataksil at nananahimik na lamang ang kanyang asawa. Pero si Dawn, ang lakas ng loob na ma­ngompronta gayung siya ang nagkasala. Ito ang ginustong makita ng manonood at ang magi­ging resulta ng love triangle nila. ‘Yun ang gugustuhin ninyong makita kaya panonoorin ang movie nila.

Samantala, makakapagpasaya sa mga tagaha­nga ni Bea ang sinabi nito na papunta na sa liwanag ang relasyon nila ni Zanjoe Marudo. Matatandaan na may pinagdaanan ang dalawa. Pero naaayos naman nila ang problema. Katunayan, nandoon si Zanjoe at sumuporta siya kay Bea sa premiere night ng The Love Affair.

Baguhang singer na si Edward Benosa, papasang artista

Malayo ang mararating ng bagong singer na si Edward Benosa. Bukod sa magandang lalaki ito ay may maganda pero kakaibang boses na husky na tulad ng kay Rico J. Puno at Renz Verano. Si­na­bayan pa niya ito ng isang magandang panga­nga­tawan at talent na gumagawa ng sarili niyang mga awitin kaya, ayun, ngayon  pa lamang ay tini­tilian na siya.

Kung tutuusin ay mas bagay kay Edward na mag-artista pero, napagkasunduan nila ng manager niya na si Arnold Re­yes, yes ‘yung magaling na aktor, na ang pag-aartista ay ga­gawin lamang niya kapag nagkapangalan na siya bilang singer. At hindi na ito magtatagal dahil ilang linggo nang nasa top position sa MOR ang awitin niyang Di Man Lang Nagpaalam. Madalas na siyang maimbitahan sa mga gig at napapanood na rin siya sa TV.

Maganda ang istorya ng buhay ni Edward na ka­tulad ng kwento ng maraming artista ay nagsimula din siya sa wala. Naging mas challenging lamang ang istorya ng 24 na gulang dahil mestizo siya. Nakuha niya ito sa kanyang ama na isang Espanyol. Simula’t sapul hindi bagay sa kanya ang panganga­lakal pero, no choice siya dahil isa ‘yun sa ikinabuhay ng kanyang pamilya nang mamatay ang kanyang ama.

Nitong magbinata na lamang siya at magsimulang sumali sa mga reality shows tulad ng Starstruck, Pinoy Big Brother at The Voice nagsimula nang magbago ang buhay niya. Bagama’t palagi siyang talo sa mga sinasalihan niya, nung makilala niya ang manager niya ngayon at pagpasyahan nito na magsi-singer siya, ay umayon siya. Baka nga naman may ibang nakatakda para sa kanya,.

Ngayon, may titulo na siyang Romantic Balla­deer. Kumikita na siya ng paunti-unti sa kanyang singing career.

Ilan pang magagandang kanta na siya rin ang ga­gawa ay tuluyan na siyang papaimbulog sa ka­tan­yagan. Maipagmamalaki na siya lalo ng isang pinsan niya na sumikat nung araw bilang isang artista na si Kristine Garcia.

Show comments