Congrats kina Senator Ralph Recto at Batangas Governor Vilma Santos-Recto dahil nag-graduate na mula sa high school ang kanilang anak na si Ryan Christian.
Proud parents sina Senator Ralph at Mama Vi nang dumalo sila sa graduation ng bunsong anak nila. Parang kailan lang nang mag-decide si Mama Vi na mag-goodbye sa kanyang TV show dahil priority niya ang pagbubuntis kay Ryan at ngayon, may binatilyo na siya.
Matalinong bata si Ryan. Huwag tayong magtaka kung sundan niya ang yapak sa pulitika ng kanyang mga good role model na magulang.
Nakakagat kay Anne deadly
Natakot naman ako nang mapanood ko sa TV ang nangyari kay Anne Curtis sa taping ng Dyesebel noong Miyerkules.
Ipinakita sa TV ang parang tumitibok-tibok na balat ni Anne with matching blood na epekto ng kagat ng box jellyfish.
Nabasa ko na deadly ang kagat ng box jellyfish kaya masuwerte si Anne dahil nakaligtas ito.
Parang ako ang nakagat ng box jellyfish habang pinapanood ko ang news report tungkol sa nangyari kay Anne. Na-imagine ko ang sakit na nararamdaman niya.
Isinugod si Anne sa dalawang ospital sa BaÂtangas bago siya inilipat sa isang ospital sa Taguig City.
Puwedeng mangyari sa ibang tao na lumalangoy sa karagatan ng Batangas ang naranasan ni Anne. It’s a must na paghandaan o maging handa ang medical personnel ng mga ospital sa Batangas province sa mga ganoong sitwasyon dahil deadly nga ang box jellyfish.
Actually, ang lahat ng medical staff ng mga ospital na malapit sa karagatan o beach resort sa buong Pilipinas ang dapat maging handa, lalo na ngayon na panahon ng tag-init. Dobleng ingat din ang nararapat gawin ng mga nagpupunta sa mga beach resort para hindi na maulit ang nangyari kay Anne.
Naalaala ko tuloy ang nangyari kay Bacoor City House Representative Lani Mercado na natibo ng sea urchin sa taping noon ng Mga Basang Sisiw.
Dinala sa ospital si Lani at tinanggal ang tibo pero hindi rito natapos ang kanyang pagdurusa.
May isang tibo pala ng sea urchin ang pumasok sa pinakalaman ng daliri ni Lani kaya namaga ito.
Inoperahan si Lani sa daliri para tuluyang maalis ang tibo or else, mabubulok ito.
Mula noon, nagkaroon na si Lani ng phobia sa dagat. Inialok sa kanya ang isang role sa Kambal Sirena ng GMA 7 pero tinanggihan ni Lani dahil sa takot na baka maulit ang insidente. Para mag-beg off si Lani, napakasakit talaga na makagat ng sea urchin. Humingi na lang siya ng paumanhin sa mga bossing ng Kapuso Network na very understanding.
Dahil sa nangyari kay Anne, tiyak na magiging maingat din si Louise delos Reyes, ang lead star ng Kambal Sirena.
Madalas din na nakababad si Louise sa dagat para sa mga eksena niya kaya may risk din na makagat siya ng jelly fish o sea urchin.
Sino ngayon ang magsasabi na madali ang maging artista? Natutuwa tayo kapag napapanood natin sina Anne at Louise na may suot na buntot at lumalangoy sa pusod ng karagatan. Ang hindi natin alam, delikado ang kanilang mga ginagawa dahil kahit may mga expert diver o swimmer na nakabantay, hindi pa rin sila ligtas sa mga kagat at tuklaw ng sari-saring sea creatures.