EDITORYAL - Magkakaroon lang ng katahimikan kung wala nang ‘baboy’

ILANG buwan nang mainit na pinag-uusapan ang “pork barrel” at hanggang ngayon ito pa rin ang paksa. Kahit naglabanan na sa Zamboanga City ang mga sundalo at MNLF na ikinamatay nang marami, ang “pork barrel” pa rin ang nangingibaw. Ilang ulit nang nagkaroon ng mga pagbaha, pananalasa ng bagyo, landslide, pagsabog, paglubog ng barko, paglaganap ng leptospirosis at kung anu-ano pa, ang isyu ng “pork barrel” ay hindi mamatay-matay.

Maaaring wala nang pagkamatay ang isyu sa PDAF na pinaalingasaw ni Janet Lim Napoles, umano’y “utak” ng scam. Nasa P10-bilyon ang umano’y na­ibulsa ni Napoles. Tatlong senador, 20 mambabatas at iba pang indibidwal kasama si Napoles ang sinam­pahan na ng kaso sa Ombudsman. Sinampahan na rin ng kaso ang mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa Malampaya fund kung saan sangkot din si Napoles na nakapagbulsa umano ng P900 milyon.

Pero sa kabila ng mga hakbang na ito, hindi pa rin matahimik ang mamamayan. Hindi sila nasisiyahan sa mga aksiyon ng pamahalaan kaugnay sa pork barrel. Wala silang madama kahit pa sinabi noon ni President Aquino na wala nang PDAF.

Lalo namang nagngitngit ang mamamayan nang biglang lumutang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan ay nanggaling dito ang P50 milyon na pinamudmod sa mga senador makaraang ma-convict si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sunud-sunod ang ginawang protesta para buwagin ang pork barrel. Tatlong rally o “million people march” na ang ginawa. At umano’y meron na namang ikinakasa. Hindi raw titigil hangga’t hindi inaalis ang lahat nang pork. Nagmungkahi naman si dating SC Chief Justice Reynato Puno ng “Peoples Congress” sa pamamagitan ng initiative para alisin ang anumang pork. Pinakalembang naman ang mga kampana noong nakaraang linggo bilang pagtutol sa “pork barrel”.

Sagad na ang galit ng mamamayan sa “pork” na pilit­ na ipinagtatanggol ni President Aquino. Sa kabila ng mga pagtutol, wala pa ring aksiyon na ibasura ang kina­susuklamang “baboy”. Huwag maliitin ang pagkilos.

 

Show comments