Pulis umawat sa alitan sa lupa, pinabulagta!

PARACALE, Camarines Norte, Philippines — Nasawi ang isang pulis habang sugatan ang isang residente matapos barilin habang mamagitan sana sa alitan sa lupa sa pagitan ng dalawang panig sa Brgy. Palanas, ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Isang tama ng punglo sa sentido ang agarang ikinasawi ni Police Senior Master Sgt. “Alcana”, 45-anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Del Rosario, Mercedes, Camarines Norte at nakatalaga sa Regional Intelligence Division 5 ng Camp Gen. Simeon Ola. Sugatan naman sa tiyan ang isang “Boy” na kaalitan ng namaril na suspek na si “Loloy” na tinutugis na ng mga pulis.

Sa ulat, dakong alas-2:15 ng hapon habang nagsasagawa ng “intelligence gathering” si Alcana sa lugar nang makita nitong nagtatalo sina “Boy” at “Loloy” dahil umano sa iligal na pag-ukopa ni “Boy” at mga kasama sa lupain na hindi pa malaman kung sino ang may-ari.

Nagalit umano si “Boy” dahil sa kinukunan ni “Loloy” ng video at tinangkang agawin ng una ang cellphone ng huli dahilan para bumunot ito ng baril at binaril sa tiyan si Boy. Tinangkang lumapit at nagpakilalang pulis ang naka-sibilyang si Alcana para sana umawat pero walang kaabog-abog siyang binaril ni Loloy sa ulo.

Mariing kinondena ni PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon ang insidente na personal na bumisita sa lamay ng nasawing pulis at mahigpit na ipinag-utos ang pagtugis sa tumakas suspek kasama ang ilang kasamahan.

Show comments