SK chairman huli sa pagnanakaw ng P35K sa opisina ni mayor

Sa follow-up operation, nasakote naman ng pulisya  ang suspect sa tahanan nito sa Brgy. Bakyawan at ina­ming siya ang kumuha ng pera matapos na umano’y matukso.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang Sanggunian Kabataan (SK) chairman matapos umanong tangayin ang P35,000 sa opisina ng alkalde ng Tuburan sa Cebu, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang suspect na si Matthew John Barangan, 21-anyos, SK chairman ng Brgy. Bakyawan ng nasabing bayan .

Sa report ng Cebu City Police, natukoy si Barangan matapos itong makunan ng CCTV sa aktong kinukuha ang pera sa isang bag na nakapatong sa lamesa ni Tuburan Mayor Aljun Diamante.

Ayon sa imbestigasyon, ang insidente ay nangyari nitong nakalipas na Huwebes ng hapon nang ang suspect ay bumisita sa opisina ni Mayor Diamante kung saan inestima ito ni Steve Cesar Salipot, executive assistant ng alkalde.

Gayunman, nang makaalis ang suspect ay saka lamang napansin ni Salipot na nawawala na ang lamang pera sa naturang bag kaya ini-report ang insidente sa pulisya.

Kinabukasan ng suriin ang CCTV ay dito nakita na ang SK chairman na siya umanong nagbukas ng zipper ng bag at tumangay sa lamang P35,000 cash.

Sa follow-up operation, nasakote naman ng pulisya  ang suspect sa tahanan nito sa Brgy. Bakyawan at ina­ming siya ang kumuha ng pera matapos na umano’y matukso.

Nabawi sa suspect ang  P3,200 na natira sa perang ninakaw na ipinag-shopping na umano niya ng nasabing araw. 

Show comments