LEGAZPI CITY, Albay - Pumalo na sa P350-milyong piso ang halaga ng mga napinsalang pananim at iba pang agricultural commodity sa Kabikolan matapos ang pananalasa ng bagyong “Enteng.”
Sa ulat na inilabas ni Lorenzo Alvina, OIC regional technical director for research and regulations at disaster risk reduction focal person ng Department of Agriculture-Bicol, base sa inisyal na datos na nakuha ng kanilang opisina ay hindi bababa sa 8,893 ektarya ng iba’t ibang pananim lalo na ang palay kasama na ang fisheries ang nasira dahil sa paghagupit ni Enteng. Apektado nito ang aabot sa 13,623 na magsasaka at mangingisda.
Nabatid na pinakamaraming nasirang palayan ay mula sa lalawigan ng Camarines Sur. May mga naitala rin silang danyos mula sa Albay, Camarines Norte, Catanduanes at Sorsogon.
Sa kabila ng naitalang danyos, halos walang epekto umano ito sa magiging kabuuang ani sa darating na mga araw sa buong rehiyon.
Binigyang diin ni Alvina na sa kabila ng paghagupit ng bagyong Enteng, laging handa ang regional office ng Department of Agriculture sa pagtama pa ng anumang uri ng kalamidad.