LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bumisita na ang ilang Israeli consultants sa ilang bahagi ng Bicol lalo na sa Albay upang pag-aralan ang posibilidad na maipatupad ang “fertigation project” o pagtatayo ng mga solar powered water irrigation system na may halong fertilizer na diretso na sa mga sakahan ng mga magsasaka para mapalaki ang produksyon ng kanilang mga pananim na palay.
Ayon kay Ako Bicol Cong. Raul Angelo “Jil” Bongalon, anumang resulta at pag-aaral ay agad na ibabahagi ng mga consultants mula sa bansang Israel sa gobyerno.
Nauna nang inihayag ni Cong. Elizaldy Co, chairman ng House committee on budget and appropriations na hiningi nila ang tulong ng mga eksperto ng Israel sa pagtatayo ng mga fertigation projects sa buong bansa para mapalaki ang produksyon ng palay at maibaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan. Halos nasa P40-bilyon ang inilaan ng Kongreso para sa irrigation infrastructures lalo na sa fertigation.
Unang ipapatupad ang fertigation sa Kabikolan bilang pilot project. Kung magiging epektibo ay saka isasagawa sa buong bansa.
Ang bagong teknolohiyang ito ay ipinatupad sa Israel at naging matagumpay sila para palakasin ang produksyon at ani ng mga magsasaka.
Maliban sa fertigation ay sinimulan na rin sa Bicol ang contract farming kung saan nasa isang libong magsasaka na may 1,500 ektaryang lupain ang kinontrata sa pagtatanim at inaasahang mag-aani sila ngayong darating na Setyembre.
Bawa’t magsasaka ay binigyan ng P50,000. Ang P30,000 ay para sa pagbili ng binhi, fertilizer at iba pang farm inputs habang 20-libong piso ay sa labor.
Mismong gobyerno na ang bibili at magpapakiskis ng aanihing palay saka ibebenta ang bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo stores sa halagang 29 pesos bawat kilo.