CAVITE, Philippines — Patay ang isang barangay kagawad habang inoobserbahan sa pagamutan ang nakaaway nitong lalaki matapos silang magsuntukan sa mismong compound ng Cavite Provincial Capitol sa Brgy. San Agustin, Trece Martires City kamakalawa.
Kasalukuyang naka-hospital arrest ang suspek na kinilala sa alyas na “Adonis”, nasa hustong gulang habang patay ang biktima sanhi ng mga tinamo nitong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kinilalang si Kagawad Ariel Marasigan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Cavite Provincial Capitol Compound. Kasama ng nasabing kagawad ang kaniyang kaibigan sa compound ng kapitolyo nang biglang dumating ang suspek.
Nagkaroon umano ng sagutan ang biktima at suspek hanggang sa mauwi sa suntukan.
Nang madehado ang suspek, dito na siya kumuha ng patalim at sunud-sunod na pinagsasaksak ang barangay konsehal.
Nasugatan din ang suspek kung kaya kapwa sila dinala ng mga sumaklolo sa Memorial Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ang biktima.