Kadete pinarusahan ng lider, tigok sa ‘exercise’!
Dahil sa ‘thumbs up’ sign sa group chat
MANILA, Philippines — Patay ang isang kadete ng isang maritime school matapos na mag- collapsed nang pinag-exercise bilang “punishment” umano ng kanyang senior officer sa nagawang “paglabag”, sa Calamba, Laguna nitong Lunes.
Dead-on-arrival sa Global Care Medical Center Canlubang ang biktima na kinilalang si Cadet Vince Andrew Delos Reyes, 19, tubong Barangay Tagumpay, Baco, Oriental, Mindoro at student cadet ng NYK-TDG Maritime Academy (NTMA) sa Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.
Hawak naman ng Calamba Police ang suspek sa pagkamatay ni Delos Reyes na kinilala lang sa alyas na Nathaniel, senior cadet officer at student leader ng nasabing academy.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:38 ng hapon ng Hulyo 8 nang maganap ang pangyayari subalit nai-report ang insidente sa pulisya ng Hulyo 9 ng alas-3:50 ng madaling araw.
Bandang alas-5 ng hapon ng Lunes, nasa loob ng academy ang biktima, suspek kasama ang iba pang mga kadete at sabay-sabay na kumain ng kanilang hapunan. Nang matapos ang kanilang dinner ay nagsibalikan na sila sa kani-kanilang barracks.
Nang dakong alas-5:30 ng hapon habang nasa kanilang cabin ang suspek kasama ang iba pang kadeteng sina Cdt Keith Draniel Villar, 19; Cdt Norvin Michael Papistol Lugasan, 20; Cdt. Ira Ken Ebale Poralan, 19, at Cdt. Marvin Khier Pigao Mojica, pawang mga estudyante, nang ipatawag ng una ang biktima na magtungo ito sa kanyang Cabin sa 121C room hinggil sa may ginawang “offense”.
Ito ay makaraang hindi sinasadyang mag-react ng “thumbs up sign” ang biktima sa isang conversation sa group chat ng mga Corps senior officers.
Gayunman, ayon sa biktima ay aksidente lamang umano niya itong napindot at nai-send.
Pero hindi umano ito pinaniwalaan ng lider nilang si Nathaniel at pinarusahan pa rin ang biktima kung saan pinag-physical exercise ito ng maraming beses hanggang sa makaramdam ng kakapusan ng paghinga at tuluyang nag-collapse.
Agad na dinala sa infirmary at binigyan ng CPR ang biktima sa humina na ang paghinga at nawalan ng pulso kaya agad isinugod sa sa Global Care Medical Center subalit idineklara itong dead-on-arrival.
Dinakip naman ang suspek na si “Nathaniel” na nahaharap sa kasong “reckless imprudence resulting in homicide”. Ed Amoroso
- Latest