Pasaway na driving school, pinadlak ng LTO

MANILA, Philippines — Isinara at pinagmulta ng Land Transportation Office (LTO) ang isang accredited driving school sa Jaro, Iloilo City dahil sa paglabag sa regulatory guidelines ng ahensiya.

May kabuuang P80,000 ang multa at anim na buwang suspensiyon ang ipinataw ng LTO Region 6 sa driving school.

Ayon sa LTO, nilabag ng driving school ang isang Memorandum Circular kaugnay sa Revised Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Stan­dardization of Driver and Conductors Education.

Ang parusa sa driving school ay nag-ugat nang mag-isyu umano ito ng “no show” certificate of completion para sa isang Theoretical Driving Course (TDC) sa isang estudyante o aspiring license applicant.

Bukod pa rito, nabigo ang driving school na magbigay ng mga kinakailangang recording ng TDC sa Regional Accreditation Committee on Driving Institutions (RACDI) na requirement ng LTO sa mga driving school.

Ayon kay LTO Region 6 OIC-Regional Director Gaudioso Geduspan II, ang aksyong ito ng ahensya ay magsisilbing babala sa iba pang driving schools na sumunod sa guidelines at mapanatili ang mataas na pamantayan sa edukasyon ng mga driver at konduktor sa bansa.

Show comments