CAVITE, Philippines — Sa halip na ihatid sa bahay, sa sagingan dinala at dito ginahasa ng nakainumang tropang lalaki ang isang miyembro ng LGBT community kamakalawa sa Brgy. Cultihan. Taal. Batangas.
Nagharap ng kasong rape ang biktima na itinago sa pangalang Prancia, nasa hustong gulang, isang lesbian o tibo at residente ng nasabing lugar laban sa suspek na ka-tropa rin nito, itinago sa pangalang Jonas na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8353 o rape.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-2 ng madaling araw nang maganap umano ang panghahalay.
Bago ang insidente, nagtungo ang biktima kasama ang isa pang tomboy sa bahay ng suspek upang mag-inom. Inabot sila ng madaling araw sa inuman hanggang malasing na ang biktima at magpasyang umuwi.
Gayunman, sa sobrang kalasingan, nag-alok naman umano ang suspek na ihahatid ang biktima.
Inakay pa umano ng suspek ang biktima habang sila ay naglalakad at nang mapadaan na sa sagingan ay dito na biglang hinila ng una at inihiga ang biktima sa damuhan saka tuluyang ginahasa.
Wala umanong magawa ang biktima dahil sa matinding kalasingan. Nang mahimasmasan ang pag-uwi, dito na siya nagtungo sa pulisya kasama ang pamilya at nagharap ng reklamo.
Sa follow-up operation ng pulisya at sa tulong ng mga brgy. officials ay naaresto ang suspek.