74 pamilyang Moro na naapektuhan ng kaguluhan, nabigyan ng bahay

Ang mga bagong tayong bahay sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur na nakatakda nang lipatan ng may 74 mahihirap na pamilyang Moro na naapektuhan ng mga kaguluhan, matapos na ipatayo sa kanila ng social services ministry ng Bangsamoro regional government.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Nasa 74 na mahihirap na pamilyang Moro na paulit-ulit na naapektuhan ng kaguluhan nitong nakalipas na dalawang dekada ang nabigyan ng mga disenteng bagong gawang bahay sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ang naturang mga bahay ay itinayo ng Minis­try of Social Services and Development-Bangsa­moro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nagkakahalaga ng P500,000 bawat isa.

Sa mga hiwalay na pahayag nitong Linggo ng mga municipal officials sa Ampatuan, naisagawa ang pormal na turnover ng naturang mga bahay nito lang April 30 at nakatakda ng tirahan ng mga benepisyaryong mga pamilyang Moro.

Ayon sa social services minister ng BARMM, si Raisa Jajurie, ang natu­rang proyektong pabahay ay naglalayong maging normal na ang buhay ng mga titirang mga pamilya na paulit-ulit na naghirap sanhi ng pagkakaipit sa mga samu’t saring kaguluhan, kabilang na ang mga labanan ng Moro secessionist groups at mga tropa ng pamahalaan nitong nakalipas na mga taon.

Ayon kay Norhaya Panguilan Alim, isa sa mga benepisyaryo ng naturang housing project, labis ang kanilang pasasalamat sa MSSD-BARMM at sa local go­vernment unit ng Ampa­tuan na magkatuwang na nagpatupad ng naturang proyekto.

Show comments