2 patay sa pamamaril sa Cavite

CAVITE, Philippines — Dalawa katao ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa lalawigang ito, kama­kalawa.

Ayon sa pulisya, unang insidente ay naganap sa bayan ng Naic dakong alas-8:06 ng umaga. Nag-aabang ng masasakyan ang biktimang si Francis Colibao, nasa hustong gulang, kasama ang katrabaho nito sa Ciudad Nuevo, Brgy. Sabang, Naic nang isang lalaki ang lumapit sa kanila at walang sabi-sabing pinagbabaril ang una at nang bumulagta ay mabilis na tumakas amg suspek bitbit ang maiksing armas na ginamit . Habang ligtas naman ang kasama ng biktima .

Naitakbo pa sa San Lorenzo Ruiz Hospital si Colibao subalit idineklarang dead-on-arrival na.

Samantala, dakong alas-12:30 naman ng hating gabi nang pagbabarilin nang malapitan ng ‘di nakilalang suspek ang isang lalaki habang naglalakad sa Brgy. Zapote 1, Bacoor City .

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilala sa alyas “Bornok”, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar. Hindi naman nakilala ang salarin na mabilis tumakas tangay ang baril na gamit sa pagpatay sa biktima.

Ayon sa pulisya, naglalakad ang biktima sa Campupot St., Brgy Zapote 1 nang harangin ng suspek at pagbabarilin ng ilang beses.

Show comments