Pambobomba ng kapilya sa Cotabato, kinondena

COTABATO CITY, Philippines — Kinondena ng iba’t ibang grupo at mga opisyal ng iba’t ibang probinsya at ng Bangsamoro government ang pagpapasabog ng granada nitong Linggo sa loob ng Sto. Niño Chapel sa Purok Bagong Silang sa Brgy. Rosary Heights 3, dito sa lungsod na nagsanhi ng pagkasugat ng dalawang Katoliko.

Sa pahayag nitong Lunes, hinikayat ng exe­cutive committee ng Moro National Liberation Front na pinamumunuan ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, ang mga residente ng Brgy. Rosary Heights 3 at ang Cotabato City Police Office na magtulungan sa pagresolba ng naturang insidente na nagdulot ng takot sa iba’t ibang sektor sa lungsod.

Dalawa sa mahigit 10 na nagsasagawa ng prayer service sa naturang kapilya na sina Marybel Atis, 40-anyos, at Rosita Tubilo, 65-anyos, ang nagtamo ng mga tama ng shrapnel sa katawan sanhi ng naturang pambobomba na binansagang isang uri ng “satanismo” ni Sema sa kanilang opisyal na pagkondena sa insidente.

Ganun din ang pahayag ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Grand Coalition, isang alyansa ng mga political leaders sa BARMM, kabilang sa kanila si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., na isang mataas na opisyal ng regional Serbisyong Inklusibo, Alyansang Prog­resibo Party.

Ayon kay Col. Querubin Manalang, Jr., director ng Cotabato City police, nagtutulungan ang kanilang mga imbestigador at mga barangay officials sa Rosary Heights 3 sa pagkilala sa dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo na responsable sa pagpapasabog ng granada sa loob ng Sto. Niño Chapel at mabilis na nakatakas.

Ayon sa mga saksi, itinabi ng mga suspek ang kanilang motorsiklo sa entrance door ng kapilya at mula roon ay hinagis ng isa sa kanila ang granada sa grupo ng mga Katolikong nagda­rasal sa tapat ng altar ng kapilya.

Show comments