Babaeng lider ng drug group huli sa P1.3 milyong shabu
COTABATO CITY, Philippines — Isang babae na tumatayong lider umano ng isang drug ring na puro mga babae ang kasapi ang nakunan ng P1.3 milyong halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa General Santos City nitong Miyerkules.
Kinumpirma nitong Biyernes ni Brig. Gen. Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, na nasa kustodiya na nila ang suspect na pansamantalang hindi muna kinilala habang tinutugis pa ang kanyang mga tauhan at kasabwat na mga babae rin na hinihinalang nagtatago sa General Santos City at ilang bayan sa mga probinsya ng Sarangani at South Cotabato.
Nalambat ang 27-anyos na suspect sa gilid ng Banisil Extension, isang kalye sa Barangay Dadiangas West sa General Santos City, ng magkasanib na mga operatiba ng General Santos City Police office at PRO-12.
Hindi na pumalag nang arestuhin ang suspek matapos magbenta ng 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa mga hindi unipormadong pulis na nagkasa ng naturang entrapment operation sa tulong ng local officials sa General Santos City.
May mga nag-ulat sa pulisya na namimigay diumano ang babaeng drug dealer ng parte ng kanyang kita sa mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at New People’s Army na parehong kilala sa pagkakanlong at pagbibigay proteksyon sa mga drug pushers kapalit ng pera.
- Latest