MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 28-anyos na babaeng negosyante habang sugatan ang kanyang ama na kasama nitong naglalako matapos silang pagbabarilin nang pumalag sa mga holdaper nitong Miyerkules sa Barangay Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng Mamasapano Police, kinilala ang nasawi na si Janine Hinay dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan habang mabilis na dinala sa pagamutan ang kanyang 56-anyos na amang si Dionisio matapos na masugatan sa insidente.
Sa imbestigasyon, magkasama ang mag-ama na naglalako gamit ang kanilang sasakyan, ng giniling na kape o native coffee sa ilang mga suki sa Mamasapano at mga karatig na bayan sa Maguindanao del Sur nang maganap ang ‘di inaasahang insidente.
Ayon sa mga hiwalay na pahayag nitong Biyernes ni Maguindanao del Sur police director Roel Sermese at ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), agad na pinagbabaril ng mga holdaper ang dalawa nang tumangging ibigay ang kanilang mga perang kinita sa pagbebenta ng kanilang produktong nilalako.
Namatay agad sa mga tama ng bala si Hinay at nahagip din ng bala ang kanyang ama na ginagamot na sa isang ospital.
Ang mag-ama ay mga residente ng Tacurong City sa probinsya ng Sultan Kudarat, may 40 kilometro ang layo sa Mamasapano.
Ayon kay Sermese at mga opisyal ng Mamasapano Municipal Police Station, natangay ng mga salarin ang bag ni Janine na may lamang hindi bababa sa P30,000 sa kanilang pagtakas.