Marijuana sa wrapper ng biscuit, nasabat sa Masbate port
Dala ng pasaherong menor-de-edad
MANILA, Philippines — Dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ng protocol upang masiguro na hindi makakalusot ang illegal na droga sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng ahensya, nasamsam sa isang menor-de-edad na pasahero ang dalawang sachet ng hinihinalang marijuana sa Port of Masbate nitong Miyerkules.
Sasakay sana ang 17-anyos na pasahero patungo sa Pio Duran sa Albay nang makita sa baggage scanner ang hinihinalang marijuana na nakabalot sa plastic ng biscuit.
Agad na rumesponde ang Port Police Division sa koordinasyon ng mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Masbate City Police, at City Social Welfare and Development (CSWD). Kasama rin ang ilang kawani ng barangay at City Prosecutor’s Office bilang witness sa imbestigasyon.
Dinala ang binatilyo at ang nasabat na hinihinalang marijuana sa tanggapan ng Masbate City Police, kasama ang mga kawani ng CSWD.
Sa pamumuno ni PPA General Manager Jay Santiago katuwang ang PDEA, mas pinaigting ang mga hakbang para labanan ang illegal na droga sa mga pantalan sa buong bansa na nasa ilalim ng hurisdiksyon nito, sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na nilagdaan ng dalawang ahensya noong 2018.
Sa ilalim ng kasunduan, ang dalawang partido ay magpapatuloy sa kooperasyon at koordinasyon para mapigilan ang pagpupuslit ng illegal na droga sa mga pantalan.
- Latest