CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nakilala na ng pulisya ang motorcycle rider na bumaril at pumatay sa isang konduktor ng bus sa naganap na road rage sa Brgy. Sta. Catalina Sur, Cadelaria, Quezon nitong Huwebes.
Ayon kay Lt. Col. Byran Merino, hepe ng Candelaria Police Station, natukoy na nila kahapon ang pagkakakilanlan ng rider na si alias “Labog”, na siyang rumatrat sa bus conductor na si Roy Tuano, 48-anyos, conductor/driver ng Eagle Star bus.
Kinilala lang ni Merino sa alyas na “Labog” ang suspek dahil sa patuloy na hot pursuit operation laban dito. Siya ay kakasuhan ng homicide sa Provincial Prosecutor’s Office sa Lunes.
Ayon kay Merino, lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ay isang vegetable farmer na nagtatanim ng pechay sa isang pribadong farm at residente ng Sariaya, Quezon.
Ang kinita umano ng suspek sa pagsasaka ay ibinili nito ng baril imbes na pagkain para sa kanyang pamilya.
“His earning from pechay vegetable, instead to buy for his family’s foods and other relatives consumptions, he bought a gun for his protection,” ani Merino.
Sinabi naman ni Col. Ledon Monte, Quezon police director, nakuha nilang makilala ang rider suspect sa tulong ng mga nakalap na video footages ng close-circuit television camera (CCTV) na nakakabit sa malapit sa crime site.
“Ang suspek ay kagagaling lang mula sa Sariaya, sakay ng kanyang motorsiklo na walang suot na helmet nang mahagip ang kanyang mukha ng CCTV camera habang nakikipagtalo sa bus driver,” pahayag ni Monte.
Iniutos na ni Monte sa Candelaria Police na bumuo ng tracker team na pinamumunuan ng chief of police upang tugisin ang suspek na nagtatago na matapos ang ginawang krimen matapos siyang bigong madakip sa ginawang pagsalakay ng mga pulis sa bahay nito sa Sariaya.
Nitong Huwebes, magugunita na ang bus na minamaneho ng isang Nicasio Pacala, 53, ay halos mabangga nito ang motorsiklo ng suspek na naka-park sa gilid ng kalsada ng Barangay Sta. Catalina Sur habang nago-overtake ang nasabing bus sa isa pang behikulo.
Bunsod nito, nagalit ang suspek sanhi upang habulin nito ang bus at nang maunahan ay kanyang mabilis na ihinarang ang motorsiklo nito sa daan para mapigil sa pag-arangkada ang bus. Nang tumigil ang bus, dito na nagkaroon ng mainitang komprontasyon sa pagitan ng suspek at ni Pacala. Pumagitna naman para umawat ang konduktor na si Tuano subalit siya ang pinagbalingang pagbabarilin ng naggagalaiting suspek.