MARIVELES, Bataan, Philippines — Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bataan-Cenro Bagac ang pagpapakawala sa 64 na baby pawikan sa baybayin ng Mateo Beach sa Barangay Maligaya ng bayang ito kamakalawa.
Ayon sa Cenro Bagac, mahigit dalawang buwan ang lumipas bago napisa ang mga itlog ng pawikan kung saan katuwang nila ang mga security guard sa pagbabantay at pagbibigay proteksyon sa kanilang ginawang temporary hatchery.
Buwan ng Oktubre hanggang Pebrero ang panahon ng pangingitlog ng mga pawikan sa mga dalampasigan kung saan inaalagaan at pinoprotektahan ang mga itlog ng pawikan na kanilang natatagpuan hanggang sa mapisa.
Panawagan ng CENRO Bagac sa mga residente na nakatira sa coastal area na huwag gagalawan o lulutuin ang mga makikitang itlog ng pawikan sa halip ay agad na ipagbigay alam sa mga kinauukulan.
Ang mga pawikan ay itinuturing na endangered species at malapit nang maubos ang kanilang lahi sa panahon ngayon.