LAGUNA, Philippines — Isang pabrika ng Panasonic Manufacturing Phil. Corporation ang natupok matapos sumiklab ang sunog sa Laguna Technopark sa Barangay Don Jose, Sta. Rosa City, kahapon ng umaga.
Sa ulat, nagsimula ang sunog dakong alas-6:40 ng umaga at idineklarang fire control bandang alas-12:23 ng hapon kahapon.
Ayon sa mga fire investigators, inaalam pa nila ang sanhi ng sunog at wala namang nasawi o nasugatan sa insidente.
Dahil sa sunog, isinara ng pulisya ang mga kalapit na daan lalo na ang sections ng Sta. Rosa-Tagaytay Road at Laguna Boulevard upang bigyang daan ang pagdating ng mga rumerespondeng emergency vehicles.
Mabilis naman inilikas ang mga empleyado mula sa gusali at isinara ang ilang negosyo sa bisinidad para sa kanilang kaligtasan habang isinasagawa ang clearing operations at hanggang sa matapos ang imbestigasyon sa sunog.
Inaalam pa ng awtoridad ang kabuuang danyos o pinsala sa sunog.