Cyclone plane, nawawala sa Isabela
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Isa na namang Cyclone Aircraft ang iniulat na nawawala matapos na mabigong makalapag sa Palanan Airport ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Ayon sa report, ang Cyclone PA32 aircraft, na may tail number na RP-C 1234, ay unang umalis sa Cauayan Airport dakong alas-9:39 ng umaga subalit hindi na ito nakalapag sa destinasyon.
Napag-alaman na sakay ng nasabing eroplano ang piloto na si Capt. Levy Abul II at isang pasahero.
Sa inilabas na report ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nawala umano ang komunikasyon nila sa eroplano at hindi na rin makontak ang piloto.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang mga kinauukulan sa iba pang sangay ng gobyerno at pribadong sektor para matunton ang nawawalang eroplano.
Napag-alaman na ilang araw na rin na hindi maganda ang panahon lalo na sa nasasakupan ng Sierra Madre dahil sa pag-ulan bunsod ng amihan.
Matatandaan na noong Enero 24 nitong taon nang mahulog ang Cessna 206 plane na may tail number RPC 1174, patungo sana sa bayan ng Maconacon, mula rin sa airport ng Cauayan City. Patay ang anim na sakay nito nang matagpuan ng mga search and rescue personnel matapos ang 44 na araw na paghahanap sa kagubatan ng Sierra Madre.
- Latest