Lider ng drug group todas sa shootout

LUCENA CITY , Philippines — Tumimbuwang ang sinasabing lider ng isang notoryus na drug group matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) kamakalawa ng tanghali sa Barangay Ibabang Iyam ng lungsod na ito.

Kinilala ng pulisya ang nasawing suspek na si Armando Armiendo, lider ng “Armiendo Drug Group” at residente ng Landing Road, Barangay Ibabang Iyam, Lucena City.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Ruben Ballera Jr., hepe ng pulisya ng lungsod, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng CDEU laban sa suspek dakong alas-11:20 ng tanghali.

Nang maisagawa ang transaksyon ay nakahalata ang suspek at mabilis na tumakbo habang nakikipagpalitan umano ng putok sa mga otoridad. Nakarating sa harapan ng talipapa ang engkuwentro hanggang masapol ng bala ang suspek.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, isang P1,000 marked money, 15 piraso ng P1,000 boodle money, isang Smith and Wesson caliber 357 na may kargang apat na bala at dalawang fire cartridge.

Hindi na umabot pang buhay sa Quezon Medical Center (QMC) ang suspek nang isugod ng mga otoridad.

Show comments