8-anyos nadamay, sugatan
CAVITE, Philippines — Patay ang mag-ama makaraang pagsasaksakin ng dalawang itinuturing na “kapamilya” ng dahil lamang sa away mag-asawa na ikinadamay ng isang paslit kamakalawa ng hapon sa Brgy. Maliksi 1, Bacoor City.
Hindi na umabot nang buhay ang mga biktima na nakilalang sina Ronald De Lima, 23-anyos at amang si Alfredo, kapwa residente ng nasabing lugar.
Sugatan naman ang isang 8-taong gulang na batang lalaki na si Daryl James, estudyante, residente din ng nasabing barangay .
Tinutugis naman ng pulisya ang dalawang suspek na nakilala lamang sa mga alias na Harry at Tuyo, bayaw ng biktima ng nakababatang De Lima.
Sa panayam ng PSN kay Police Master Sergeant Roberto Lacasa, may hawak ng kaso, dakong alas -3:30 ng hapon nang maganap ang insidente matapos abangan umano si Ronald ng kanyang dalawang bayaw na mga kapatid ng misis nito, upang komprontahin. Subalit hindi pa man nakakapag-usap ay agad na siyang pinagtulungan ng mga suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak.
Nasaksihan naman ng ama ng biktima na si Alfredo ang pananaksak ng mga suspek kung kaya sinubukan nitong umawat at saklolohan ang anak. Gayunman, maging siya ay pinagtulungan ng dalawa na katayin.
Bago umano bumulagta ang biktima, may naihagis pa siyang isang bagay na biglang pumutok dahilan upang tumama sa naglalakad na batang si Daryl James.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang krimen matapos magsumbong sa kanyang dalawang kapatid ang misis ni Ronaldo hinggil sa diumano’y pananakit ng huli sa kanya.