Wanted sa Maynila, naaresto sa Cavite

Dinampot ng otoridad sa basketball court ng Brgy. San Nicolas 2,lungsod ng Bacoor ang suspek na nakilalang si Michael Garcia, 44, may-asawa driver at residente ng Villa Antonina,San Nicolas II, Bacoor City, Cavite, City.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng bata ang isang lalaki na wanted sa Maynila na nagtago ng mahigit sa 16 taon nang maaresto kahapon ng umaga sa Bacoor City, Cavite.

Dinampot ng otoridad sa basketball court ng Brgy. San Nicolas 2,lungsod ng Bacoor ang suspek na nakilalang si Michael Garcia, 44, may-asawa driver at residente ng Villa Antonina,San Nicolas II, Bacoor City, Cavite, City.

Sa imbestigasyon ng Bacoor Police nakipagtulungan sa kanila ang Manila Police District sa pangunguna ng Warrant and Intel Operatives na si Police Captain Moises Garcia ng MPD Police Station 8, makaraang makumpirma na namataan sa nasabing lugar ang suspek.

Ayon sa pulisya, nanghingi ng tulong ang pamilya ng napatay ng suspek hinggil sa namataan umano sa nasabing lugar ang suspek.

Agad na nagsagawa ng ilang araw na surveilance ang MPD police at ng makumpirma ay inilatag ang operas­yon.

Si Garcia ay nakapatay ng kaniyang kabarangay noong 2007 sa Brgy. 97 Tondo,Manila kung saan pinaghahataw nito ng matigas na bagay ang biktima.

Matapos nito ay tumakas na ito at nagtago at nakapag-abroad pa umano sa Dubai noong taong 2008 at muling bumalik sa bansa noong 2019.Walang inirekomendang piyansa ang korte.

Show comments