Higit P2 milyon pera at kagamitan, tangay
CAVITE, Philippines — Masuwerteng nakatakas ang isang 48-anyos na technician matapos siyang ikulong, igapos at pagtulungang bugbugin ng apat na “akyat-bahay” kamakalawa ng hapon sa Brgy. Panapaan 5, Bacoor City.
Sugatang nagtungo sa barangay ang biktima na si Hercules Bernaldez, may asawa, at residente ng MB TORRE Street, Brgy. 09, Bacacay, Albay, nang makatakas mula sa naiwang bantay na suspek.
Sa ulat ng pulisya, pinasok ng apat na lalaki na hinihinalang mga kasapi ng Akyat-Bahay Gang ang biktima sa kanyang bahay dakong alas-3:30 ng hapon at saka siya ikinulong sa isang kuwarto at dito iginapos at binusalan.
Binugbog pa umano ng mga suspek bago nilimas ang mga pera, alahas at iba pang gamit na nasa mahigit 2-milyong halaga ang natangay ng mga suspek sa biktima kabilang ang P15,000 cash, mga ATM cards at passbook na may lamang P2,000,000 at Huawei P20 PRO na may halagang P50,000.
Sa pahayag ng biktima, nanghihina umano siya matapos pagtulungang bugbugin, igapos at ikulong ng mga suspek sa isang kwarto.
Naulinagan umano niyang umalis ang tatlong suspek at naiwan ang isa nilang kasama bilang bantay kaya dito na siya naglakas-loob na tumakas at humingi ng tulong sa barangay.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga Bantay Bayan ng Brgy. Panapaan 5 na sina Norlito Olotio at Crisanto Ramos at dito nila nadatnan ang isang suspek na agad inaresto na nakilalang si alias “Kom”, 19-anyos, ng Panapaan 5, Bacoor City. Narekober sa kanya ang isa sa mga bag ng biktima.