BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Mag-uumpisa ngayong Oktubre 1 ang operasyon ng “911 hotline” sa lalawigang ito para sa anumang emergency o pangyayari na kailangang matugunan.
Ayon kay Governor Jose “Jing” Gambito, ang mga mamamayan ng Nueva Vizcaya ay maaring tumawag na sa hotline 911 kung may mga agarang pangangailangan tulad ng mga emergency na kailangan maisugod sa hospital o may kaugnayan sa medical, police assistance,kung may mga sunog at iba pang anumang sakuna.
Sa paglulunsad ng 911 hotline sa lalawigan ay mas mabilis na ang pagresponde sa mga tawag ng mga mamamayan dahil sa itinatag na command center kung saan nakaabang ang mga ambulance services, rescue personnel, firefighters at mga operatiba ng pulisya sa iisang lugar.
“This is a security and development program of the provincial government that provides response and emergency assistance to people in distress,” pahayag ni Gambito.
Umapela si Gambito sa publiko na gamitin lamang ang 911 hotline kung may emergency at hindi dapat tawagan ito para lang manloko o mag-report ng walang katotohanan.
Ayon naman sa Provincial Public Affairs and Information Assistance Division (PAIAD), ang 911 hotline ay pangangasiwaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bukod sa police assistance, sunog at pangangailangang medical, maaari rin na ireport ang mga banggaan sa kalsada, krimen, pang-aabuso o kung nangangailangan ng search and rescue operations.