Hamunang boksing ng solon vs mayor, napurnada!
Nagdatingang manonood, namuti ang mata
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Napurnada ang inaabangan ng mga mamamayang boksing nina Rep. Cong. Luis Raymund “LRay” Villafuerte ng 2nd District ng Camarines Sur at Mayor Fermin Mabulo ng bayan ng San Fernando matapos na hindi sumipot ang naghamong kongresista sa itinakdang laban nila ng alkalde noong Sabado ng hapon sa Jessie M. Robredo (JMR) Coliseum sa Naga City.
Alas-3 ng hapon ay kumpiyansang dumating sa JMR Coliseum si Mayor Mabulo, kasama ang ilang supporters nito at handa nang makipagsuntukan at umbagan pero hindi dumating si Cong. Villafuerte at “namuti” ang mata ng mga tao sa kahihintay.
Ilang araw bago ang napagkasunduang laban ng dalawa ay nagparating ng impormasyon ang kongresista na hindi siya makakarating dahil sa pagdating umano ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa ginawang paglulunsad ng “Bagong Pilipinas Serbisyo Caravan” sa bayan ng Nabua sa Camarines Sur.
Ilang linggo bago ang araw ng laban ng dalawa, nagkaroon ng mainitang patutsadahan sa pulitika ang dating magkaalyadong opisyal hanggang sa unang naghamon ng boksing si Villafuerte kay Mabulo na agad namang tinugon at “kinasahan” ng alkalde.
Dito, itinakda ang laban ng dalawa sa JMR Coliseum noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Mabulo, sa post nito sa kanyang Facebook page, walang bayad ang lahat ng manonood pero kailangang magbigay ng donasyong gamit sa eskwela para ipamigay nila sa mga nangangailangang estudyante.
Sa ilang posts sa social media ay ipinapakita pang kapwa nag-eensayo ang kongresista at mayor bilang paghahanda sa kanilang umabagan sa ring.
Ayon sa impormasyon, ilang kilalang trainor pa sa boksing ng bansa ang kinuha ng dalawang opisyal para lang sa kanilang pagsasanay.
Kapansin-pansin din nitong nakaraang mga araw na may mga nakapaskil na plackards ng laban ng dalawa sa mga pangunahing kalye sa lungsod na lalong nagpa-excite sa mga residente para manood.
Gayunman, laking dismaya ng mga manonood sana at ang media na nakaabang upang mag-cover sa laban nang hindi ito mangyari dahil sa hindi pagsipot ng kongresista.
- Latest