MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa mga concerned field offices at pulisya para mahuli ang mga salarin sa likod ng pamamaril sa isang public school principal sa Jaen, Nueva Ecija.
Kinondena rin ng Kagawaran ang insidente ng pamamaril.
“We denounce any acts of injustice towards our personnel, learners, and stakeholders. We maintain and advocate that our schools and communities remain as zones of peace for every Filipino,” saad sa pahayag ng DepEd.
Ang biktimang si Reden Daquiz,49, prinsipal ng Sto. Tomas North Elementary School ay nagtamo ng mga sugat matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin pagpasok pa lamang nito sa loob ng paaralan.
Sakay siya sa kanyang SUV nang dumating ang mga suspek na nakamotorsiklo at pinagbabaril ito.
Nagawa pang makababa ng biktima sa kanyang sasakyan at pumasok sa compound ng paaralan para humingi ng tulong sa kanyang mga kapwa guro.
Pitong beses umano siyang tinamaan ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Iniimbestigahan na ng otoridad ang insidente.
Agad tumakas ang mga suspek sakay ng isang single na motorsiklo at kasalukuyang subject for manhunt operation ng mga pulis sa munisipalidad na ito.