CAVITE, Philippines —Nasa mahigit P300,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa apat na lalaki na ang isa rito ay sugatan matapos na manlaban sa ikinasang buy-bust operation laban sa mga suspek kahapon ng madaling araw sa General Trias City, dito sa lalawigan.
Kinilala ang sugatang suspek na si Jay Hayag Rentoy, 42-anyos, ng Sitio Canutuhan Brgy Santiago, Gen. Trias City, Cavite, habang naaresto ng awtoridad ang tatlong kasama nito na sina Oscar Rentoy Munzon, 51; Mary Rose Dela Cruz , 47; kapwa ng Excess Lot Bella Vista Subdivision, Brgy. Santiago, at Ruel Miranda, 57, ng Brgy. Santiago; pawang sa Gen. Trias City, Cavite.
Sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang drug enforcement unit ng General Trias Police sa pangunguna ni Police Captain Joseph Sosa, laban sa mga suspek na pawang nasa drug watchlist ng pulisya.
Nang nasa kalagitnaan ng bilihan ng droga, nakatunog umano si Rentoy na mga pulis ang kanilang ka-transaction kung kaya agad siyang bumunot ng baril at pinaputukan ang mga operatiba.
Mabilis na tumakbo ang mga suspek hanggang sa mauwi sa habulan at palitan ng putok at masapol si Rentoy ng bala na kanyang ikinasugat habang ang tatlong kasamahan ay nasukol.
Narekober sa operasyon ang 3-plastic sachet ng shabu na aabot sa 54.69 gramo at may halagang P371,892; buy-bust money, timbangan, caliber .38 Colt na kargado ng mga bala at lima pang extra na bala ng nasabing baril.