Higit 114K botante magpapartisipa
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inihayag kahapon ng Cavite Police na “all set” na ang isasagawa ngayong plebisto para sa pag-iisa at pagpapalit ng barangays sa Bacoor City ngayong Sabado.
Ayon Col. Christopher Olazo, Cavite police director, nasa kabuuang 114,416 registered voters mula sa 49 barangay ang inaasahang tutungo sa mga polling precincts para bumoto ng “yes” o “no” sa kanilang plebisito ngayong araw, Hulyo 29. Ito ay para sa pagsasama-sama ng 44 barangays at pagbabago naman ng pangalan ng lima pang barangay.
Sinabi ni Olazo kahapon na kasado na nila ang mga security measures para matiyak na magiging payapa at maayos ang halalan, at maging ang kaligtasan ng mga botante sa plebisito.
Sinabi ni Olazo na naka-full alert ang buong Cavity police personnel lalo na ang mga nakatalaga sa Bacoor station.
Ang liquor ban ay epektibo ng alas-12:01 ng madaling-araw ng Biyernes (July 28) at magtatapos ng alas-11:59 ng gabi ng Sabado (July 29) habang ang gun ban ay mananatiling ipatutupad, dagdag ni Olazo.
Ang botahan ay magsisimula ng alas-7 ng umaga at ang mga polling precincts ay magsasara ng alas-3 ng hapon ngayong Sabado, alinsunod sa Resolution 10917.
Sinabi ni Atty. Justine de la Cruz, election officer ng Bacoor City, na ang July 29 plebiscite ay may 22 voting centers na may 223 clustered precincts at 800 established precincts.
Nangako naman sina Comelec Chairman George Erwin Garcia at Bacoor City Mayor Strike Revilla na paiiralin ang “fair, transparent and credible plebiscite”.