2 parak utas sa Ilocos matapos 'magbarilan sa loob ng istasyon'
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang dalawang pulis ngayong Huwebes matapos ang isang insidente ng pamamaril sa loob ng Narvacan Municipal Police Station sa probinsya ng Ilocos Sur.
Kinilala ang mga nasawi bilang sina PCpl. Jeric Ace Abaoag Garcillan at Patrolman Joe Mendoza, ayon sa ulat ng state-owned Radyo Pilipinas.
Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang narinig ng mga kawaning naka-duty sa naturang istasyon mula sa ikatlong palapag ng naturang gusali.
Naabutan na lang daw ng mga otoridad ang dalawang pulis na duguan at walang buhay.
Stressed cop shoots down colleague, then shoots himself inside Ilocos Sur town police station.@PhilstarNews @PilStarNgayon @PhilippineStar @bworldph @onenewsph
— Artemio A. Dumlao Jr (@ArtemioDumlao) July 20, 2023
Sinasabing nakakita ng 9mm na baril ang ginamit sa insidente, bagay na nakalap sa pinangyarihan ng krimen.
Sa ulat ng The STAR, ini-report na binaril ng isa sa dalawang alagad ng batas ang kanyang kabaro bago diumano magpatiwakal.
Hindi pa rin malinaw kung ano ang dahilan sa likod ng pamamaril.
Hinihingian pa ng Philstar.com ng pahayag ang Narvacan Municipal Police Station kaugnay ng insidente ngunit hindi pa rin tumutugon hanggang sa ngayon. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Artemio Dumlao
- Latest