Magdyowa dedo sa salpukan ng motor
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang dalawang motoristang live-in partners at sugatan naman ang isa pa sa salpukan ng dalawang motorsiklo noong Sabado sa Barangay Manicahan, Zamboanga City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Abellion Del Rosario, 58-anyos, at kinakasamang 58-anyos na si Erlinda Corcuerra Cristobal.
Sa pahayag nitong Linggo ng Zamboanga City Police Station 3, magkaangkas sa motorsiklo sina Del Rosario at Cristobal nang mabangga sila ng kasalubong na motorsiklong minamaneho ng 15-anyos na si Travis Daniel Eijansantos sa isang bahagi ng highway sa Brgy. Manicahan sa Zamboanga City.
Ayon sa mga saksi, nag-overtake si Eijansantos na wala diumanong driver’s license dahil menor-de-edad pa, sa isang kulay maroon na Nissan Navarra pickup truck kaya niya nabundol ang motorsiklong sinasakyan nina Del Rosario at Cristobal na mula sa kabilang direksyon ng highway.
Masuwerte namang nakapreno agad ang driver ng pickup truck kaya hindi nito nasagasaan sina Del Rosario at Cristobal na tumilapon sa harapan ng naturang sasakyan.
Nagtamo ng matinding pinsala ang mag-live in partner na naging sanhi ng kanilang kamatayan habang sugat at pasa sa katawan ang inabot ni Eijansantos na agad namang naisugod sa pagamutan ng mga barangay emergency responders.
- Latest