MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang salarin ang sasakyan nito sa kahabaan ng Edenville Road, Brgy. Partida, Norzagaray, Bulacan nitong Biyernes ng gabi.
Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang si Marcelino “Ube” Punzal, 63 taong gulang, kapitan ng Brgy. Bangkal, Norzagaray.
Sa report ni Norzagaray acting chief of police Lt. Col. Lynelle Solomon, alas-7 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa pamamaril sa biktima habang nasa loob ng sasakyan nito sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde sa crime scene ang mga elemento ng Norzagaray Police at dito’y inabutan nila ang biktima na patay na sa loob ng kaniyang kulay pulang Mitsubishi Estrada (XJV-160).
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na siyang kumitil sa buhay nito habang mabilis na tumakas ang gunman.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang mga basyo ng cartridges at apat na basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
Sa pahayag ng pamilya ng biktima, wala silang maisip na motibo sa krimen dahil wala umanong kaalitan ang nasabing tserman.