15 katao huli sa drag racing sa Bulacan
BOCAUE, Bulacan, Philippines — Arestado ang 15 indibiduwal kabilang ang dalawang hinete na sangkot sa illegal motorcycle drag racing sa ikinasang operasyon ng pulisya sa bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.
Tinukoy ng pulisya ang dalawang hinuling drag racer na sina Raven Julian, 18, residente ng Brgy. Caypombo at Angelo Reyes, 26, ng Brgy. Sta.Clara, Sta.Maria habang 13 pang indibiduwal na nagpustahan sa karera ng sasakyan ang dinakip din.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, naganap ang karera bandang alas-3:30 ng madaling araw nitong Hunyo 10 sa Bypass Road sa Brgy. Bolacan.
Ayon sa report, isang concerned citizen ang nagbigay ng tip sa pulisya na may nagaganap na pustahan at karerahan ng motorsiklo sa naturang lugar.
Dahil dito, rumesponde ang mga pulis hanggang sa maaktuhang nagkakarera sina Julian at Reyes na walang suot na helmet gamit ang motorsiklo na may modified muffler o maingay na tambutso.
Hinuli rin ang isang dalagita at 12 lalaki na ang karamihan ay pawang binatilyo na umano’y nagpustahan sa karera ng dalawang kargadong motorsiklo.
Sinasabing walang naipakitang ligal na dokumento ng motorsiklo gaya ng OR/CR ang mga naarestong suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang motorsiklo at P4,000 bet money sa mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.
- Latest