CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Tatlo pang bayan sa lalawigan ng Quezon ang idineklarang Insurgency Free Municipality makaraang isagawa ang paglagda sa Memorandum of Understanding na nagdedeklara sa kanila bilang Stable Internal Peace and Security (SIPS).
Magkasabay na isinagawa kamakalawa ang deklarasyon sa mga bayan ng Candelaria at Calauag habang kahapon ng umaga naman ang bayan ng Tiaong.
Sa kabuuan ay 36 na bayan at 2 lungsod na sa buong lalawigan ng Quezon ang napasailalim sa insurgency free municipality at city at tatlo na lamang ang natitira na isinasailalim na sa validation upang makumpleto sa kabuuang 41 sa buong probinsya ang maideklara na rin sa darating na mga araw.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) director PCol. Ledon Monte at Col. Joel Jonson, commanding officer ng 85th IB, Philippine Army, ang Memorandum of Understanding na nagsasaad bilang Stable Internal Peace and Security (SIPS) ay batay sa pag- aaral at pagsasaliksik ng Joint Intelligence Assessment ng QPPO, 59th at 85IB kung saan ang pagkilos at presensya ng NPA sa nasabing mga bayan ay tuluyan nang naglaho at kaya nang pangasiwaan ng lokal na pamahalaan at ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang internal security operation nito.