COTABATO CITY, Philippines — Isang limang taong gulang na batang lalaki sa Dipolog City ang nasawi habang inoobserbahan ang apat nitong kapatid matapos malason sa inulam na palaka at nilagang kamoteng kahoy nitong Miyerkules.
Ang mga biktima ay mula sa mahirap na pamilyang Galleposo, na ang mga magulang, ang mag-asawang Tito at Flordelisa, ay parehong walang mga permanenteng trabaho.
Mismong ang mga local officials at mga kawani ng Dipolog City Disaster Risk Reduction and Management Office at mga kasapi ng Dipolog City Police Station ang nag-kumpirma ng pangyayari na ikinagulat ng mga residente ng lungsod.
Parehong wala sa kanilang tahanan ang mga magulang ng mga biktima nang magluto ng mga palakang hinuli sa paligid ng kanilang tahanan at ginawang ulam para sa nilagang kamoteng kahoy.
Malayo sa mga kapitbahay ang tahanan ng mga biktima na nasa isang mataas na lugar sa Purok Piña sa Barangay Dicañas sa Dipolog City.
Dinatnan na lang ng kanilang magulang ang limang magkapatid na nagsusuka na at hindi na halos makabangon sa pagkakahiga sa sahig ng kanilang dampa.
Binawian ng buhay ang pinakabunso bago pa man nakatugon sa pangyayari ang kanilang mga kapitbahay at mga kasapi ng media sa Dipolog City na tumulong sa pagdala sa mga biktima sa pagamutan.