COTABATO CITY, Philippines — Napatay ng magkasanib na mga sundalo at pulis ang katiwala ng isang wanted na drug lord matapos na mauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng arrest warrant laban sa huli nitong Linggo sa Pikit, Cotabato.
Sinabi nitong Lunes ni Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng Pikit municipal police, na agad na nasawi sa mga tama ng bala si Mundo Sultan Duma, katiwala ng wanted na si Satur Kabunto.
Habang sinisilbihan umano si Kabunto na wanted sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ng warrant of arrest ng mga kasapi ng Pikit Municipal Police at tropa ng 90th Infantry Battalion sa Barangay Gokotan nang manlaban umano ang una at mga kasamahan nito na naging sanhi ng shootout.
Napatay sa engkuwentro si Duma habang nakatakas si Kabunto at mga kasama.
Inatasan na ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, ang mga miyembro ng Pikit Municipal Police at mga intelligence officers ng Cotabato Provincial Police Office na magtulungan sa pagtugis kay Kabunto.
Ayon sa mga opisyal ng 602nd Infantry Brigade at ng 90th IB, si Kabunto, maliban sa pagbebenta ng droga, ay may grupo rin ng mga armadong kalalakihan na sangkot sa pagnanakaw ng mga kalabaw at baka, at pang-aagaw ng mga motorsiklo.