Habal-habal driver, huli sa P340K shabu

AROROY, Masbate, Philippines — Walang kawala ang isang habal-habal driver na itinuturing na high value individual matapos maaresto sa inilatag na buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Panique, Aroroy ng lalawigang ito, kamakalawa ng umaga.

Kinasuhan na nang paglabag sa comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang suspek na kinilalang si Leomar Albaladejo Pasandan, 35-anyos, residente ng Mabanban 1, Brgy. Panique, Aroroy, Masbate.

Sa ulat, pasado alas-10 ng umaga kumagat ang suspek sa buy-bust operation ng mga kasapi ng Masbate Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit at Aroroy Police sa pangunguna ni Capt. Rex Agao.

Mabilis na inaresto si Pasandan ng mga nakakubling operatiba makaraang iabot nito sa poseur buyer ang biniling droga.

Maliban na boodle money na ginamit sa buy-bust, nabawi sa suspek ang isang medium size heat-sealed plastic sachet na may lamang shabu na tumitimbang ng 50-gramo at nagkakahalaga ng 340-libong piso.

Show comments