Dating bokal ng Nueva Ecija, itinumba
GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dating board member ng ika-4 na distrito ng lalawigang ito habang nakaupo at nagpapahinga sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. San Nicolas ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Richard Caballero, Nueva Ecija Police provincial director, ang nasawing biktima na si Zaldy Gonzaga Matias, 65-anyos, may-asawa ng Purok Libis Drive ng nasabing barangay.
Sa inisyal na ulat ng Gapan City Police, nabatid na alas-7:30 ng gabi, nagpapahinga ang biktima sa terasa ng kanyang bahay nang pasukin ng dalawang hindi pa nakikilang suspek at walang habas na pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na isinugod sa Good Samaritan Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Nanungkulan ang biktima bilang bokal mula 2007 – 2010 ngunit bago ito ay nanungkulan ding konsehal ng Gapan City ng tatlong termino mula 1998 hanggang 2007.
Wala pang lead ang pulisya sa motibo sa pagpaslang sa biktima.
- Latest